Bilang isang samahang tumutulong sa mga biktima ng krimen, kasuklam-suklam para sa VACC ang mga nangyari, na tila nagiging isang pangit na bahagi sa ating lipunan tuwing sasapit ang election.
Sa pagkundena ng VACC sa mga karahasang nabanggit, ipinahayag naman ng VACC ang pag-suporta sa mga naiwan ng mga biktima upang mabigyan ng hustisya.
Malinaw na sa paglipas ng panahon, hindi maganda ang landas na tinatahak ng ating lipunan tungo sa kaayusan at kapayapaan. Ang mga karahasang nangyari ay pagpapatunay lamang na ang kasakiman sa pera at kapangyarihan ay naipapahiwatig pa rin sa uri ng pulitika sa ating lipunan.
Marahil nga ay wala pang political maturity ang taumbayan sa paggamit ng kanilang karapatan sa pagpili ng mga manunungkulan sa ating bayan. Wala na ring ibang paraan ang ating pamahalaan kundi ipatupad ang mga batas nito kung nais pa nitong maibalik ang kaayusang pang-ekonomiya at pang-seguridad sa bansa.
Kapayapaan at hindi kaguluhan nawa ang mamayani sa ating bayan sa mga panahong ito, lalo nat tapos na ang election. Ang adhikaing ito ay isang hamon hindi lamang sa pamahalaan, kundi pati na rin sa ating mga bagong halal na mambabatas at mga pinuno ng lahat ng sangay ng ating lipunan.