Ang bagong anti-crime force ay bubuuin umano ng mga operatiba ng PNP at mga ahente ng National Bureau of Investigation. Pamumunuan umano ito ni Deputy Director Gen. Hermogenes Ebdane. Makakatulong umano ng PNP at NBI ang mga elite units ng military na katulad ng Marines, Navy SEALs, Special Operations Wing ng Air Force at ilang units ng Army. Mga organized crime na tulad ng kidnap for ransom ang tututukan nito.
Ang binuwag na PAOCTF sa kapanahunan ni dating President Estrada ay naging matayog ang lipad at umabuso. May katwirang umabuso sapagkat binigyan ng laya ng nakaraang administrasyon na gumawa ng kung anu-anong kabulastugan. Ang mga miyembro ng binuwag na PAOCTF ay nagmistulang mga asong turuan na kumagat at maghatid ng lasong rabies sa lipunan. Sa isang kumpas ay uupo, tatayo, tatahol at naibabahag ang buntot sa pag-uutos.
Malaki ang pondong nakalaan sa binuwag na PAOCTF samantalang ang mga karaniwang pulis ay walang baril, walang mobile car at kung mayroon man, kakarag-karag na hindi maihabol sa mga kawatan at masasamang loob dahil walang gasolina. Isang pagpapatunay na nagsakripisyo ang mga miyembro ng PNP para mabuhay ang PAOCTF – na ang isinukli ay ang pagkakasangkot naman sa kung anu-anong kontrobersiya. Napakasakit, Ate Glo!
Kung mga operatiba rin ng PNP ang bubuo sa anti-crime, wala rin itong ipinagkaiba sa binuwag na PAOCTF. At hindi kaya maulit ang mga nangyari na? Hindi kaya tumayog ang ihi ng mga magiging miyembro nito kung nakasalang na? Hindi kaya sa isang tao lamang maglingkod ang bagong anti-crime force? Makatitiyak kayang ang poprotektahan ng mga ito ay ang mamamayan na nasa gipit na kalagayan o sila ay magiging mga bantay-salakay na naman?