Hindi iyo ang akin

Tungkol sa custody ang ating kaso. Kanino ba mapupunta ang anak na menor de edad, sa ama o sa inang nagka-relasyon at pagkatapos ay nagkahiwalay?

Si Concha ay sekretarya ni Arnold. Mayaman si Arnold na may asawa’t mga anak. Nagkaroon sila ng relasyon at nagkaanak ng lalaki, si Sid. Batid at tanggap ito ng pamilya ni Arnold dahil naisasama niya si Sid doon. Kahit na ganito ang sitwasyon, si Concha lamang, sa tulong ng kanyang mga magulang, ang nangangalaga at sumusuporta kay Sid. Nagbibigay lamang ng kakarampot na sustento si Arnold.

Nang si Sid ay anim na taon na, pinagpaalam ito ni Arnold kay Concha na isasama sa isang outing kasama ang pamilya. Pumayag si Concha. Ngunit hindi na ibinalik ni Arnold ang anak at sinabing siya na ang mangangalaga sa bata dahil nai-enroll na niya ito para sa pasukan. Kaya napilitan si Concha na magsampa ng petisyon para makuha si Sid kay Arnold. Hinadlangan ito ni Arnold dahil si Sid daw ay kinikilala niyang anak at mas higit niyang mapangangalagaan ito. Tama ba si Arnold?

Mali
. Hindi maikakaila na si Sid ay isang ilehitimong anak. Ayon sa batas, ang ina ang may parental authority sa isang ilehitimong anak kaya ito rin ang may karapatang kumupkop sa kanya. Maliban dito, ang batang wala pang pitong taong gulang ay hindi maaaring mawalay sa ina. Kaya’t dapat lang na ibigay kay Concha ang custody nito.

Ang pagkilala ni Arnold sa anak ay maaaring maging batayan upang siya’y atasang suportahan ito. Pero hindi para ibigay sa kanya ang custody. Hindi rin katwiran na ipagkait kay Concha ang pagkupkop kay Sid dahil lang sa mas mayaman si Arnold lalo pa’t kung tutuusin, si Concha na ang nag-aruga at sumuporta rito mula nang ipanganak. Hindi nga niya maibibigay ang luho, pero sapat na sa ating batas na kaya naman niyang suportahan at palakihin si Sid sa isang disenteng pamumuhay batay sa kanyang kinikita. (David vs. CA, et. al., GR#111180 Nov. 16, 1995)

Show comments