^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Marami pang botante ang dapat turuan

-
Dito sa Metro Manila at ilang kalapit na lalawigan ay naipakita ng mga botante na hindi na sila bobo sa paghahalal ng kandidato. May sapat na silang kaisipan at kamalayan kung sino ba talaga ang tunay na kandidatong karapat-dapat na pagtiwalaan. Ipinakita ang karunungan sa pagbasura nila sa maraming artistang kandidato. Karamihan sa mga artistang kumandidato ay hindi nahalal subalit mayroon din namang nakalusot. At least, nakatitiyak na sa muling pagboto sa 2004 elections ay may karunungan na sila.

Subalit hindi naman maitatatwang marami pa ring bobotante sa mga liblib na barangay sa buong kapuluan. Mayroon pa rin silang iniluklok na mga kandidatong hindi alam kung makapaglilingkod ba sa kanila ng tunay o wagas. Marami pa ring mga botante ang kulang sa kaalaman sa pagpili ng mahusay na kandidato. At unang-unang dahilan ng kawalan ng kaalaman ay dahil sa kahirapan. Mas madaling maniwala o utuin ang mga dukhang nasa liblib ng mga barangay. Wala silang telebisyon, diyaryo at magkaminsa’y walang radyo na maaaring pagkunan ng impormasyon. Kung ang mga mahihirap na ito ay mahahatiran ng kaukulang impormasyon, mamumulat sila sa katotohanan at hindi masasayang ang kanilang boto. Ang maiboboto nila ay kandidatong maghahatid sa kanila ng mga tunay na serbisyong kanilang kailangan: edukasyon, hospital, bahay at marami pang iba.

Kung mai-educate ang mga botante, maliliwanagan ang kanilang isipan at hindi na sila makapaghahalal ng kandidatong nakakulong sa Muntinlupa dahil sa panggagahasa. Hindi na sila makapaghahalal ng mga kandidatong nasasangkot sa mga ilegal na gawain gaya ng drug trafficking, smuggling, kidnapping at kung anu-ano pang mga masasamang gawain. Hindi na sila makapaghahalal ng kandidatong may utak pulbura at madalas maglunsad ng kudeta; kandidatong naaakusahan ng rebelyon at kandidatong magpapabaril sa Luneta at tatalon sa eroplano.

Isang magandang paraan na magagawa ng pamahalaan upang ma-educate ang marami pang "bobotante" ay ang pagpupursigi na maiahon sila sa kahirapan. Kapag umangat ang kanilang pamumuhay kasunod na ang pagkamulat ng kanilang mga mata sa katotohanan. Hindi na sila magkakamali sa pagpili ng kandidato. Hindi na sila mahuhulog sa kumunoy dahil sa paghahalal sa kandidatong ang iniisip lamang ay ang sarili.

Kung nais ni President Gloria Macapagal-Arroyo na magkaroon ng katuparan ang kanyang mga minimithi sa mga kapwa Pilipino, unahin ang karaingan ng mga dukha na matagal nang hindi napakikinggan. Kapag nagawa niya ito, wala nang mga bobotante sa darating na panahon.

DITO

KANDIDATONG

KAPAG

METRO MANILA

PRESIDENT GLORIA MACAPAGAL-ARROYO

SILA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with