Ang empleado rito ay isang Special Assistant at tagapamahala ng Export Department ng Central Bank nang siya’y makasuhan ng di-tapat na panunungkulan, walang kakayahan, pang-aabuso, pang-aapi, masamang pag-uugali at paglabag sa mga patakaran. Nasuspinde siya at isang komite ang itinatag para mag-imbestiga ng mga paratang laban sa kanya. Matapos ang malawakang pagdinig at masusing pag-aaral ng mga ebidensiya laban sa kanya, napag-alamang walang basehan ang akusasyon at agad na nirekomendang pabalikin siya sa tungkulin. Ngunit para sa Monetary Board, ang empleado ay itinuturing na dismiss na mula nang siya ay masuspinde dahil sa kawalan ng pagtitiwala ng Governor ng Central Bank, isang mapagkunwaring kadahilanan, dahil walang makitang pagkakasala laban sa empleado. Maaari ba siyang tanggalin sa tungkulin base sa ganitong katwiran?
Hindi. Ang pagkawala ng tiwala ay maaari lamang maging basehan kung ang posisyong hinahawakan ng empleado ay kompidensiyal. Ang tagal ng panunungkulan ng ganitong empleado ay natatapos sa oras na mawalan ng pagtitiwala kaya’t hindi kinakailangan pang tanggalin. Ang sitwasyon sa ating kaso ay naiiba dahil ang kawani ay humahawak ng isang maselan at teknikal na posisyon na nangangailangan ng naiibang kakayahan at kuwalipikasyon.
Maliwanag sa ating Saligang Batas na magkaiba ang kompidensiyal at teknikal na posisyon. At kung ibabase sa pagkawala ng tiwala ang pagtatanggal sa nasabing empleado, mawawalan ng halaga ang pagkakaiba nito base sa ating Konstitusyon (Corpus vs. Cuaderno, 13 SCRA 591).