KRUSADA - VACC sa Kongreso

Election na bukas. Sa mga milyun-milyon nating mga kababayan na pipili ng mga susunod na maghuhubog ng ating lipunan, umaasa ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na mabibigyan rin ng boses sa Kongreso ang mga biktima ng krimen at katiwalian bilang isang party-list na kandidato.

Layon ng VACC na magkaroon ng boses ang mga biktima ng karahasan at katiwalian, upang mabigyan ng pagbabago ang ating justice system.

Sa loob ng mahigit sa dalawang taon, mahigit sa 25 kaso ang nagawang maipanalo ng VACC. Sa kabuuang bilang na ito, tatlong kaso ang na-resolbahan noong 1998, 12 noong 1999, at mahigit sa 16 ngayong taong kasalukuyan.

Noong unang anibersaryo ng VACC sa Kalayaan Hall, Malacañang noong 1999, naganap ang isang makasaysayang bahagi sa layunin nito nang italaga at atasan ni Ombudsman Aniano Desierto ng ‘‘deputization’’ ang VACC bilang Corruption Prevention Unit (CPU) ng Ombudsman.

Ang pagtaas ng mga bilang na ito ay isang magandang pagpapakita ng VACC ng uri ng paglilingkod nito sa ating mga kababayan. Ito rin ay isang mahalagang inspirasyon para sa mga boluntaryo ng VACC na mag-ibayo pa ang kanilang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga biktima ng krimen at katiwalian.

Bagamat nakalulungkot din na may mga kaso na kung saan ay natalo ang biktima, hindi naman nangangahulugan na ang mga ito ay hindi inasikasong mabuti ng VACC. Bagkus, ito ay isang pagpapatunay na ang hustisya sa ating lipunan ay tunay na matinding suliranin ng ating mga kababayan, lalo na ang kapus-palad at mahihirap.

Ngunit hindi lamang ang bagay na ito ang pinag-uukulan ng panahon ng VACC. Sa dalawang taong paglilingkod nito, nagawa nitong simulan ang pagtataguyod sa kapakanan ng mga biktima sa pamamagitan ng mga gawain na naglalayong mapabuti ang kalagayan ng mga biktima ng krimen, lalo na ang mga kababaihang biktima ng panggagahasa o pang-aabuso. Sa pamamagitan ng intervention counseling ng VACC, marami nang biktima ang ganitong uri ng krimen ang natulungan nito.

Isang malaking karangalan para sa VACC ang pagkakaroon at tuluyang pagdami ng mga tanggapan nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Bunga na rin ng masigasig na pagtulong nito sa kapwa, ang VACC ay nabiyayaan namang mabigyan ng isang positibong pagtanggap mula sa ating lipunan.
* * *
Para sa mga katanungan o mga hinaing, iparating lamang ang mga ito sa VACC@pacific.net.ph o di kaya’y sa psngayon@pacific.net.ph o tumawag sa opisina ng VACC sa tel. no. 525-9126 local 13, 20 at 21.

Show comments