Pagkatapos na lang ng May 14 elections natin malalaman kung sino ang tunay na may "K" na maging mayor ng Pasay dahil ang kabilang panig ay pawang promissory note lang sa taumbayan habang si incumbent Mayor Peewee Trinidad ay makikita ang mga nagawa sa iba’t ibang panig ng lungsod.
At isa pa mga Kabayan, kapag naipaliwanag ni Alcera ang nadiskubreng anomalyang payroll ng kanyang mga contractual employees na may halagang P2.5 millon, maniniwala ang taga- Pasay City na numero uno nga siya sa survey.
Sa impormasyong nakalap ng OK KA BATA! lumalabas na sumulat kay Alcera ang treasurer ng Pasay upang magpaliwanag kung bakit nag-over-spent ito sa pasuweldo ng may P1.2 milyon noong nakaraang Enero at Pebrero 2001.
Siyempre mga Kabayan, katungkulan ng isang treasurer na ipa-audit ang lumalabas na pera sa kaban ng bayan ngunit umusok daw ang tenga ni Alcera sa galit. Inakusahan daw ang treasurer na kasabwat si Mayor Trinidad at may motibong politika. Okey ka rin Sir Alcera, hindi naman siguro masama kung ipaliwanag mo sa taumbayan ang isyu sa payroll.
Huwag mo nang pag-isipan pa ng ibang motibo basta’t ipaliwanag mo na lamang ang isyu sa payroll kay Treasurer Concepcion Daplas susuportahan ka ng kampo ng OK KA BATA! mula sa 201 barangay.
Pinasisibak mo pa raw si Daplas bilang treasurer. Mahiya ka sa taumbayan butihing Vice Mayor na numero unong mayoralty bet daw sa survey.
May nakalap pang impormasyon ang OK KA BATA! na kakasuhan daw ng tanggapan ng Ombudsman si Alcera ng plunder kaugnay sa itinayong MRT sa kahabaan ng EDSA Pasay City.
Paki-eksplika nga sa taumbayan Kagalang-galang na Pasay City Vice-Mayor Greg Alcera kung may katotohanan ito.
Election na sa Lunes at hinihiling ko sa mga kabataang botante na taga-tangkilik ng Pilipino Star NGAYON partikular na ang tagasubaybay ng OK KA BATA! na ang iboto ninyo ay ang mga kandidatong may nagawa na noong sila ay nanunungkulan pa sa gobyerno. Iyon bang may Serbisyong Bayan (SB) gaya ng sa Quezon City.