Si Pat ay pinsan ni Armand na may sama ng loob kay Berto. Ang nasabing hidwaan ay nagpatuloy at bago lumala ang mga pangyayari namagitan na sa kanila ang kapitan ng barangay sa kanilang lugar sa harap ng ina ni Berto at ng isang barangay tanod. Matapos ang kamayan tanda ng pagkakasundo, inakala ni Berto na natapos na ang lahat. Ngunit siyay nagkamali.
Isang gabi habang si Berto ay nakikipagkuwentuhan kay Gerry sa harap ng panaderya, nagkuwaring bibili si Armand ng tinapay at walang anu-anoy sinaksak niya si Berto sa may tagiliran at sabay sambit na malas mo pare. Nagtangka pa ring tumakas si Berto bago tuluyan siyang patayin ni Armand ngunit siyay hinarang ni Pat at Dante sabay tutok sa kanya ng kanilang mga tirador na nagtulak sa kanyang tahakin ang isang kalye na kung saan nakita niya ang kanyang mga kaibigan na nagdala sa kanya sa ospital.
Samantala sa may panaderya, walang kaabug-abog na binalingan naman ng saksak ni Armand si Gerry. Sa tinamong saksak hindi na nakaabot ng buhay si Gerry sa ospital.
Inakusahan sina Armand, Pat at Dante ng murder at frustrated murder dahil sa kanilang pagsasabwatan. Itinanggi ni Pat ang kanyang pananagutan sa pagkamatay ni Gerry at sinabing hindi siya ang sumaksak dito. Tama ba si Pat?
Tama. Ang sabwatan sa pagpatay ay dapat patunayan ng walang pag-aalinlangan. Sa kasong ito, napatunayan ng walang pag-aalinlangan na si Pat, Armand at Dante ay may intensiyong patayin si Berto. Ang ginawang pagharang at panunutok ng tirador ni Pat sa tangka ni Bertong pagtakas kay Armand ay pagpapatunay lamang ng kanyang pakikiisa sa kanilang plano. Ngunit tungkol naman sa pagpatay kay Gerry ay walang malinaw na ebidensiya na nagpapatunay ng hayagang pakikiisa ni Pat. Sa parte naman ni Armand, walang rason, motibo o intensiyong magpapatunay upang saksakin niya si Gerry. Wala ring kapani-paniwalang ebidensiya na ang pagkakapatay kay Gerry ay parte pa rin sa plano dahil walang kaalam-alam si Pat na sasaksakin ni Armand si Gerry. Kung kayat maari nating ipagpalagay na si Pat ay walang alam sa pagkakataong iyon ng balingan ni Armand si Gerry ng saksak. Dahil si Berto lamang ang planong patayin, si Pat ay walang pananagutan sa pagkakapatay kay Gerry kundi ang tanging nagsagawa lamang nito. Si Pat ay naging kasangkapan sa krimen sapagkat sa pagkakataong iyon ng kanyang malaman ang intensiyon ni Armand ay wala siyang ginawa upang itoy pigilan (Pp. vs. Federico, 247 SCRA 246).