Ang tinutukoy ko rito mga kababayan ay hindi mga buwayang gumagapang kundi naglalakad at karamihan nagpapakilalang mga miyembro sila ng ating Philippine National Police (PNP). Opo, sila po ang mga tinaguriang kolektor ng lingguhang intelihensiya ng kanilang mga amo na sabik makapuwesto hindi para magtrabaho kundi para ilublob ang kanilang mga kamay sa bulsa ng mga gambling lords at mga ilegalista sa kanilang sakop. Walang kahirap-hirap no?
At ang pinipintasan ngayon ay itong liderato ni PNP chief Director General Leandro Mendoza sa walang magawa kahit abot langit ang sigaw niya na itutuloy niya ang no take policy na umiiral sa PNP noon. Kaya naman hindi ma-monitor ni Mendoza itong illegal na aktibidades ng mga buwaya dahil busy siya sa pagsagot ng tawag ng mga nasa Malacañang at pulitiko na humihingi ng pabor na ipuwesto ang kani-kanilang mga inaalagaang junior officers. Ano ba yan?
Kung hindi pa nakarating sa iyo ang illegal na gawain ng mga buwayang ito General Mendoza, ang pitak na ito ay tutulong para ibulgar sila at ng magawan mo ng paraan o aksiyon para sila tumino na parang tupa. Handa ka na ba, Sir?
Sa hanay ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang mabangong pangalan ay si Jojo Palma. Binabanggit niya ang pangalan ng dating mong bagman na si Supt. Ric Dapat ng National Capital Region (NCR). Di ba may kasong murder itong si Palma? Bakit siya nakabalik sa serbisyo?
Kung sa probinsiya naman, ang gamit ng CIDG ay si Boy T, isang sibilyan. Ipinagyayabang ni Boy T na napupunta sa election ang kanyang koleksiyon, totoo ba ito Madam President Gloria Macapagal-Arroyo? Sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) naman, ginagasgas ni Paeng Palma ang pangalan ni Supt. Cipriano Querol, hepe ng intelligence. Ang diga ni Palma ay P50,000 kada linggo sa mga ilegalista at ang paborito niyang kataga, ayon sa aking espiya ay take it or leave it.
Sa EPD ang umiikot ay si alyas Charlie, si Raul at mga bataan niyang sina Danny Sarmiento at Tepang sa CPD, si Laurel sa WPD, si Catalan sa SPD at si Ganzon naman sa NPD, anang aking espiya. Papayag kaya si Mendoza na mamamayagpag itong mga buwaya sa kanyang administrasyon? Kikilos kaya siya laban sa mga ito? Abangan.