Ngayoy lumilitaw na sadyang marami sa mga nagsipagtipon sa EDSA Shrine ay mga hakot at bayaran.
Naniniwala akong mayroong mga tunay na nagmamalasakit at nakipaglaban para sa dating President Estrada na kasama sa magulong rally. Pero tulad nang nauna kong nasabi na sa pitak na ito kamakailan, may mga politikong nagmaniobra upang maganap ang tinatawag nilang EDSA 3.
Mantakin ninyong hanggang sa ngayon ay hindi pa nakababalik ng Mindanao ang marami sa mga bayarang rallyists. Napilitan ang Malacañang, sa utos ni President Gloria Macapagal-Arroyo na bumuo ng isang operation center upang tulungan ang mga taong ito na ginamit lamang pala ng mga politikong nais mang-agaw ng kapangyarihan.
Pambihira. Ang Malacañang pa ngayon ang magbibigay ng pamasahe para makauwi ang mga kawawang mga taong ito.
Tama ang pagdedeklara ng state of rebellion ng President. Kahit marami ang kumukuwestiyon dito dahil wala raw sa Konstitusyon, agad naman itong pumigil sa madugong riot sa Malacañang.
Ano mang sandali ngayoy babawiin na ng Presidente ang idineklarang state of rebellion maliban na lang kung may panibagong akto ng karahasang mananalasa (harinawang wala na).
Sanay tuluyan na ngang i-lift ang state of rebellion dahil lubha itong kontrobersyal at lalong nagdudulot ng pagkakawatak sa ating bansa.
Pati si dating President Estrada ay lalong nawasak sa gitna ng mga karahasang inihasik ng mga sinasabing pro-Erap.
Mantakin ninyo na ang maraming rallyista ay kumpirmadong drug users. At sa halip na mapayapang demonstrasyon ang gawin nila, pati mga pribadong sasakyan ay sinunog nila. Kinulimbat pa nila ang laman ng isang mobile unit ng ABS-CBN. Ang ilang pulis na ayaw lumaban sa kanila ay nag-exercize ng maximum tolerance ay walang awa nilang inumbag. Isa sa mga pulis na itoy namatay.
Pobreng Erap! Nahaharap na nga siya sa mabigat na asunto ay malamang na minumura pa siya ng ilang mamamayan dahil sa katarantaduhan ng mga pro-Estrada rallyists kuno na mga pakawala lamang pala ng ilang ganid na pulitikong may vested interest.
At marahil, pati ang dating President mismoy mangiyak-ngiyak pa habang pinanonood ang malaking rally na nagtatanggol kuno sa kanya. Ang hindi niya alam, pakana ito ng mga politiko na ang tunay na hangad ay makaagaw ng poder at hindi upang tulungan siya.
Dapat talagang pagdadamputin ang mga hinayupak na iyan. Naniniwala akong mangingibabaw ang mabuti at matuwid at mabibigo ang mga politikong may evil designs.