Sinasabing ang katapat noon ni Tommy ay si ex-Cabanatuan City Mayor Norie Perez, pero hindi nga napatunayan ito dahil sa inambus at mabangis na pinatay ito sa kasagsagan ng 1995 local election.
Ngayon, ang malawakang paniniwala ng Novo Ecijanos ay nakatagpo na ng katapat ang mga Joson sa larangan ng pulitika sa katauhan ni Congressman Rico M. Fajardo, isang kamag-anak ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo at solong kongresista sa kanyang lalawigan na nakatapos ng tatlong termino nang walang talo. Sa rekord niya bilang isang "bagitong pulitiko", masasabing bigatin itong si Fajardo dahil sa minani lang niya ang tatlong pagkapanalo bilang isang diputado na tinampukan ng malalaking proyektong imprastraktura, gaya ng pagpapasemento sa mga lansangan at konstruksiyon ng mga dam na nagbigay ng kuryente sa kanyang Ikatlong Distrito. Mapalad ding maituturing ang kanyang ginang na si Palayan City Mayor Leonora Baby Fajardo na ang lungsod ay umasenso. Tulad ni Rico, pambihira rin ang political record ni Baby sapagkat natagpusan din nito ang kanyang tatlong termino. Ang pruweba sa kasipagan sa pagpupursige ni Baby sa mga proyekto at programa ng siyudad ay ang patuloy na pagpapatapos sa itinatayong economic zone sa Palayan City na paglalagyan ng mga pabrika at planta, isang bagay na hindi nagawa ng isang pulitiko sa Nueva Ecija, maski ng mga Joson. Dahil sa maningning na rekord na ito ni Baby, siya ngayon ang opisyal na kandidato ng Lakas-NUCD sa pagka-kongresista ng Ikatlong Distrito.
Isang baguhan sa pulitika na itinulak ng mga pangyayari para pumalaot sa larangan ng magulong pulitika, itong si Rico na naging street parliamentarian, kahanay nina Nene Pimentel at Heherson Alvarez dahil ari niya noon ang Taza de Oro na tagpuan ng mga lumaban sa mapaniil na rehimeng Marcos ay tinawag na "giant slayer" o pumatay ng isang higante sa pulitika dahil sa kanyang hindi pa natatapatang landslide victory sa unang pagtatangka niyang kumandidato bilang kongresista. Tinalo niya ang bigating si ex-Justice Hermogenes Concepcion ng pamosong Concepcion family (noon). Minsan sa isang panahon, itong si Rico ay naging shine boy, naging konduktor ng bus, nagtinda ng balot, sweepstakes, diyaryo, naghahatid ng mga kaning-baboy at naging dyanitor sa University of Santo Tomas.
Ang lahat ng kanyang paghihirap ay nagbunga ng mga kalyo sa kamay. Ang mga kalyong ito ang naging bituin ng kanyang tagumpay sapagkat nakatapos siya ng pag-aaral hanggang kolehiyo hanggang sa magmay-ari ng mga barko at naging pilantropo na nagpaaral sa sariling bulsa ng mga batang mahihirap na matatalino. May pangarap pa siya. Isang pangarap niyang gawing moderno ang sistemang agrikultura sa Nueva Ecija at maipatayo ang Dingalan Port at Sierra Madre Superhighway na dadaanan ng tren upang mapaikli ang oras ng pagtungo sa lalawigan mula sa Maynila at maibangon at mapasigla ang nakadapang ekonomiya ng probinsiya at mabigyang-daan ang pagbubukas ng daan-daang libong trabaho para sa aping Novo Ecijanos. May estrelya raw ng suwerte itong si Rico. Sanay pakinabangan ito ng mga taga-Nueva Ecija.