Ang kawawa sa nangyaring gulo sa Malacañang ay ang mahihirap na nagamit ng mga pulitiko para isulong ang kanilang kandidatura sa darating na May 14 elections. Sa ngayon, naghuhugas-kamay na ang mga pulitiko, kabilang na ang anak ni Erap na si JV Ejercito, na hayagang naghikayat sa mga mahihirap na magmartsa nga patungo sa Malacañang. Kaya ko naman nasabi na lumitaw ang katotohanan sa EDSA Shrine rally dahil ang mga speakers mismo ang nagsisigaw kung sinu-sino ang nagpadala ng delegasyon sa naturang protesta at marami nga sa kanila ay mga kandidato ng NPC sa darating na halalan. Hindi ito maikaila ng taga-NPC dahil maging ang mga placards na dala ng kani-kanilang supporters ang nagsasabi nito.
Ang nakalulungkot nito, maging ang NPC sa probinsiya ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo sa Pampanga ay nagpadala rin ng delegasyon. Sigaw ng Bayan, Ayaw kay Gloria Pampanga yan ang isa sa mga placards na aking napuna na iwinawagayway ng mga sumali sa rally. Ibig sabihin nito, maging taga-Pampanga ay ayaw manatili si GMA sa puwesto, di ba mga suki? Hayagan namang sinabi ng aking espiyang taga-Pampanga na si Rep. Zeny Ducut ng 2nd District ang nagpadala sa kanila sa EDSA Shine. Sa nangyari sa EDSA 3, lumiliwanag na walang balak ang NPC na suportahan ang liderato ni GMA at ang tunay nilang hangarin ay maibalik kay Erap sa dati niyang trono. Yan ang isinisigaw nila sa EDSA, di ba?
Hindi lang sa Pampanga may sabwatan ang NPC at Lakas-NUCD, ang backbone ng Peoples Power Coalition (PPC) ni GMA kundi maging sa iba pang lugar ng bansa. Sa tingin ko naman, hindi lahat ng taga-NPC ay sang-ayon na ibalik nga sa puwesto si Erap. Tungkol naman sa grand plan ng kampo ni Erap laban kay GMA, marami ang nagkumpirma nito sa akin. At malaki nga ang magiging papel dito ng NPC, anang mga nakausap ko sa intelligence community.
May mahigit isang linggo pa para kumilos ang kampo ni GMA para hadlangan itong balak ng NPC sa May 14 elections. Aksiyon agad GMA, bago maging huli ang lahat.