May 480,000 teachers ang nakatakdang magserbisyo sa darating na May 14 elections at umaasa na ang mga ito na tutuparin na ng Comelec ang bawat pangakong binitiwan hindi pangakong "napapako". Noong nakaraang 1998 Presidential elections, malaking pagkadismaya ang naranasan ng mga teachers sapagkat matagal bago naibigay sa kanila ang bayad sa serbisyo. Maraming teachers ang nagsabing sariling pera muna nila ang kanilang ginastos sa mismong araw ng eleksiyon sapagkat hindi naibigay sa tamang panahon ang kanilang per diem na nagkakahalaga ng P400 isang araw. Ang pagbibigay ng per diem ay inabot umano ng isang taon bago naibigay sa kanila. Isang malinaw na katotohanan ng kasabihang "patay na ang kabayo bago naisilbi ang pagkaing damo".
Ngayoy may pangako ang Comelec na hindi na umano mangyayari ang pagkakabalam ng per diem ng mga teachers. Hindi na anila mauulit ang nangyari noong mga nakalipas na elections. Sinabi ni Comelec Commissioner Rex Borra na mababayaran na ngayon ng cash at hindi tseke ang mga teachers. Ito aniya ay ibibigay sa tamang oras at mas malaki kumpara sa mga nakaraang elections. Ayon kay Borra tatanggap ang mga teachers ng P800 bawat araw.
Nararapat lamang na huwag sumira ang Comelec sa kanilang ipinangako sa mga teachers. Kawawa ang mga teachers na tumutupad ng tungkulin para maging matagumpay at maging malinis ang eleksiyon. May mga teachers na pinuprotektahan ang mga ballot boxes upang huwag agawin at ito ang nagiging dahilan ng kanilang kamatayan. Maraming mga teachers na sa kabila na ang kanilang babantayang presinto ay batbat ng karahasan o mga hot spots ay hindi natatakot matupad lamang ang tungkulin. Sa darating na eleksiyon, huwag kalimutan ang kalagayan ng mga teachers at ibigay ang para sa kanila. Sila ang mga bayaning tagabantay ng ating balota.