Labing-walong taon ng mag-asawa sina Mon at Tesa bago sila naghiwalay, at kung kailan pa nasa edad na ang kanilang mga anak. Sa sulsol ng ina at kahit matagal na silang hiwalay ng asawa ay napilit ding magsampa si Tesa ng kaso sa hukuman para humingi ng suporta.
Para maiwasan ang abala ng kaso, pumasok na lamang sa kasunduan si Mon na magbibigay siya kay Tesa ng parte ng suweldo bilang suporta rito. Pumayag din siyang bigyan ito ng bahagi ng kanyang retirement pay oras na siya ay magretiro na sa trabaho. Nang magretiro na si Mon, muling dumulog si Tesa sa Hukuman upang hilingin dito na utusan si Mon para ideposito ang kalahati ng natanggap na pera sa pangalan niya sang-ayon sa kasunduan.Tumanggi si Mon dahil hindi na raw iyon suporta kundi paghahati na ng mga ari-arian nilang mag-asawa na hindi na sakop ng kaso. Tama ba siya?
Si Mon ay sinang-ayunan ng Korte Suprema. Ang paghingi ni Tesa ng kalahati ng retirement benefits ng asawa ay hindi na sakop ng kasong isinampa niya. Ang kaso niya ay paghingi lamang ng suporta. Kung papanigan si Tesa ng Hukuman, ito ay nangangahulugan na ng paghihiwalay at pagkahati na ng mga ari-ariang pang-mag-asawa. Hindi naman nagdemanda si Tesa ng panibagong kaso para hatiin na ang kanilang ari-ariang mag-asawa.
Dahil dito, hindi puwedeng utusan si Mon ng Hukuman na ibigay kay Tesa ang kalahati ng kanyang retirement benefits at pangasiwaan ang kabuuan nito. Ang obligasyon lamang ni Mon ay bigyan ng suporta si Tesa na maaari niyang kuhanin sa kita ng nasabing retirement benefits. (Atienza vs. Lopez, 5 SCRA 888).