Si Dan at Lisa ay nagkakilala sa isang party at sila ay na-love-at-first-sight sa isa’t isa. Simula noon, palagi na silang magkasama sa panonood ng sine, pagkain sa labas at pamamasyal. Hanggang sila ay nakalimot sa sarili at inilabas ang init ng kapusukan.
Ang kanilang pangarap ay nauwi sa kahihiyan nang mabuntis si Lisa. Nakapanganak siya sa tulong ng kanyang mama. Pero sa birth certificate ay kapwa kinilala ni Dan at Lisa na anak nila ang bata na pinangalanang Angel. Dahil natuto na siya sa kanyang pagkakamali kaya nilayuan na niya si Dan. Solong pinalaki si Angel na dinadalaw lamang ni Dan. Hindi naman siya makatanggi dahil may karapatan pa rin ito sa kanilang anak.
Noong 10 taon na si Angel, nagsampa ng demanda si Dan para makuha at ilayo ito kay Lisa. Dahil bilang ama, siya ay mayroon ding parental authority kay Angel.
Sa ganitong sitwasyon na parehong may parental authority sina Lisa at Dan kay Angel, ipinag-uutos ng ating batas na iharap ang bata sa Hukuman para papiliin kung kanino sa mga magulang nais niyang pumisan. At dahil na rin sa mahabang panahon na inaruga at minahal ni Lisa ang anak, pinili ni Angel na sa ina sumama.
Ayon na rin sa batas, dapat igalang ng husgado ang naging desisyon ni Angel. Ang pag-aalaga, pagkalinga at pagpatnubay sa kanya ay karapat-dapat lamang na ibigay kay Lisa. Maaari lamang tutulan ng hukuman ang pagpili ng batang higit sa 10 taon kung ito’y hindi magiging mabuti sa kanyang kapakanan. Tulad ng kung ang napiling magulang ay walang kakayahang magpalaki ng bata dahil sa kabuktutan at masamang bisyo. Hindi naman po ganito ang ina niyang si Lisa. (Garcia vs. Pangan, L-4362, Aug. 31, 1951)