Ang naunang lalaki sa buhay ni Lia ay si Jigo. Kahit hindi kasal, itinuring sila na mag-asawa ng pamayanang kanilang tinitirhan. Biniyayaan sila ng dalawang anak, sina Ren at Arnie. Pagkaraan ng pitong taong pagsasama, si Jigo ay namatay.
Ang biyudang si Lia, dahil bata pa, ay niligawan ni Pete. Kaya pala buhay pa si Jigo ay mayroon nang talagang pagtingin si Pete kay Lia. Sa simulat sapul ang pagkikita ni Pete at ni Lia ay palihim. Ang bawal na relasyon nila ay nagbunga ng apat na anak at ang lahat ng itoy itinuring at kinilala ni Pete bago siya nalagutan ng hininga sa kanyang huling habilin.
Isa sa mga anak ni Lia kay Pete ay si Boyet. Siya ay naging milyonaryo. Ngunit si Boyet ay walang sariling pamilya. Kaya ng siya ay mamatay ang pinakamalapit niyang kamag-anak ay ang kanyang mga kinakapatid, kasama sina Ren at Arnie, ang mga anak ng kanilang ina kay Jigo, ang unang asawa. Sina Ren at Arnie ay humihingi ng kanilang mana sa lupang pag-aari ni Boyet. Sila ba ay may karapatan?
Walang pag-aalinlangan na si Boyet ay anak sa labas ni Lia kay Pete. Ito ay pinatunayan ng huling kahilingan ni Pete na si Boyet ay tunay niyang anak. Sa kabilang dako, ang mga anak nina Lia at Jigo, sina Ren at Arnie; ay tinuring na lehitimo sapagkat ipinagpalagay na may kasalang naganap kina Lia at Jigo nang si Jigo ay nabubuhay pa. Itinuturing na ang isang lalaki at isang babae na nagsasama bilang mag-asawa ay nangangahulugang kasal na; na ang bata o sanggol na isinilang na ayon sa batas, na wala ring diborsiyo, ay tunay na anak at ito ay nangyari sa karaniwang takbo ng buhay at pakikipagsapalaran ng tao (Rule 131, Sec. 5, Rules of Court).
Dahil si Boyet, ang milyonaryo, ay anak sa labas, at sina Ren at Arnie naman ay lehitimong mga anak ni Lia, ang huli ay hindi maaring maging legal na tagapagmana ni Boyet dahil ito ay hindi pinahihintulutan ng batas (Art. 992, Kodigo, Sibil, Corpus vs. Corpus, 85 SCRA 567).