Bakit pinili ni Gov. Lapid si Ducut gayong nagtaksil ito?

Kung bumaha ng pera sa 2nd district ng Pampanga noong nakaraang elections dahil sa suporta ni Central Luzon jueteng king Bong Pineda sa kandidatura ni Rep. Zeny Ducut mukhang ganito rin ang mangyayari sa darating na May 14 elections. Kasi nga, kahit wala na sa bansa itong si Pineda, patuloy pa rin ang operasyon ng kanyang jueteng sa pamamagitan ng isa niyang ‘‘bataan’’ na si alyas Ngongo na tulad ng kanyang amo ay tumaya na rin kay Ducut.

Kaya hindi nakapagtataka kung ang bayan ng Lubao, na hometown ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo ay patuloy na magiging pugad ng jueteng dahil nga kay Pineda at Ngongo. Sa ngayon pa lang, sinabi ng aking espiya, na mukhang kaliwa’t kanan kung magbitaw ng pera itong si Ducut. Pero may puna sa kanya ang taga-Pampanga. Ayon sa aking espiya, hindi sinusunod ni Ducut ang mga ipinapangako niya sa kanyang campaign sorties. Hindi naman kaila sa Pampanga na itong si Ducut ang tumayong abogada ni Pineda nang ito ay hindi pa tumutulak sa ibang bansa bunga sa jueteng scandal na nagpatalsik kay dating Presidente Estrada. At kung hindi kikilos si GMA para linisin itong bayan niya, nanganganib na ang jueteng isyu na sumipa kay Erap ay mabato rin sa kanya.

Pero hindi natatakot sa pera ni Ducut itong kalaban niya na si dating Congressman Emy Lingad. Walang masyadong pondo itong si Lingad subalit naniniwala siya na dahil sa EDSA People Power 2 uprising, marami sa kanyang kababayan ang nagising at ibabasura na nga itong lumang pamamaraan sa pulitika ng kampo ni Ducut. Maganda rin ang credentials ni Lingad ng maupo siyang kinatawan ng 2nd District ng Pampanga noong panahon ni Presidente Aquino. Sinabi ng aking espiya na sa tatlong taon ni Ducut sa Kongreso, halos wala itong nagawa para sa kanyang kinasasakupan. Ang tanging achievement niya, anang aking espiya, ay ang pagpagawa ng magara at malaking bahay sa Greenhills, San Juan, malapit naman sa mansiyon ni Bong Pineda.

Pero dahil nga sa pera niya, mukhang nakuha na ni Ducut ang suporta ni Pampanga Gov. Lito Lapid. Marami ang nagtaas ng kilay dito at sa tingin nga ng mga supporters ni Lingad ay hindi ito alam ni GMA. Kasi nga itong si Ducut lamang sa apat na representante ng Pampanga ang hindi pumirma para sa impeachment ni Erap.

Ngayon, ang tanong ng marami hindi lamang sa bayan ng Lubao kundi maging sa Sasmuan, Sta. Rita, Guagua, Floridablanca at Porac, bakit pinili pa ni Lapid itong si Ducut na naging taksil sa kanyang kababayang si GMA? Magkano ba Governor Lapid? Tanong ng mga taga-2nd district.

Ang balita ko naman, lumalakas itong kandidatura ni Lingad kahit na mapait ang kapalarang sinapit niya sa kamay ni Lapid.

Show comments