Sinabi kamakalawa ni Finance Secretary Alberto Romulo na ang pagdaragdag sa monthly dues ng 23 million members ng SSS ang tanging paraan upang maibalik ang nawalang pera rito. Masyado aniyang natupok ang resources ng SSS sa nakaraang administrasyon. Sa kasalukuyan, 8.4 percent ang kinakaltas sa suweldo ng mga empleado.
Sinabi ni SSS Chairman at President Vitaliano Nañagas II kay President Gloria Macapagal-Arroyo na nalugi ng P8 bilyon ang SSS noong nakaraang taon dahil sa bad investments. Ginamit umano ni Estrada ang pension funds ng SSS para bilhin ang share ng Belle Corp., ang developer ng Tagaytay Highlands. Umanoy kumita si Estrada ng kickbacks na umaabot sa halagang P189 million. Hindi lamang umano SSS ang ginamit ni Estrada kundi pati na rin ang pondo ng Government Service Insurance System (GSIS).
Talaga bang ang mga kawawa at maliliit na miyembro ang tanging paraan upang ang mga "kinawat" na pera ay maibalik at maging normal ang takbo ng SSS. Ano ba talaga ang totoo sa pinasukang anomalya ng SSS at hindi maipaliwanag na mabuti sa mga miyembro. Bakit karaka-raka ay ang mga kawawang miyembro ang pipigain dahil lamang sa mga maling desisyon at pagsunud-sunuran ng dating SSS Chairman na si Carlos Arellano kay Estrada na magamit ang pera ng mga miyembro. Bakit hindi ang mga matataas na opisyal na ito ang pigain at pagbayarin sa mga kasalanang nagawa. Bakit ang mga kawawang miyembro na nahihirapang makakuha ng karampot na calamity loan, salary loan, housing loan at iba pa ang pipigain ngayon? Hindi tama ang balak na ito ng pamahalaan.
Tama lamang ang mga sinabi ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr, na kailangang malaman ng mga miyembro ang pinaggamitan ng pera ng SSS. Sinabi ni Belmonte na mahigpit niyang tinututulan ang pagtataas ng membership dues.
Kung itutuloy ang balak na pagtataas ng dues, kawawa naman ang mga miyembro sapagkat mababawasan pa ang karampot na perang iniuuwi sa pamilya. Saan pa sila kakamot ng karagdagang pera? Dapat makita at maunawaan ng Arroyo administration ang kalagayang ito ng mga miyembro.