Pati si Inspector Daniel Salvacion, hepe ng homicide section ng WPD ng mangyari ang kaso, ay kinasuhan din ng pamilya ni Agustin sa IAS ng grave abuse of authority dahil homicide lang ang isinampang kaso at hindi murder. Sa mga salaysay ng mga testigo at mga kasamahang pulis nina Agustin at Chico lumalabas na aksidente lamang ang nangyari. May isang pulis pa ang nagsasabing itinataas niya ang kamay ni Chico pero pumutok ng baril nito at tinamaan sa dibdib si Agustin. Pero sa pagkaalam ko, pumasok na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso ni Agustin.
Dapat alamin ng NBI ang trajectory ng balang pumasok kay Agustin at kung lumabas na hindi ito paitaas, ibig sabihin hindi aksidente ang pagkamatay ng biktima. At kung ganoon nga ang findings ng NBI dapat kasuhan ang pulis at lahat ng testigo para magbayad sila sa pagtakip kay Chico. Si Chico sa ngayon ay nasa floating status. Ang balita ko, inaayos niya ang pamilya ni Agustin ng halagang P1 milyon pero tinanggihan siya. Kasi nga kung matuloy ang kaso at masentensiyahan itong si Chico, malabo na makuha niya ang kanyang retirement benefits na lalampas na P2 milyon.
Sinabi ng mga saksi na pagtatalo lamang sa eskuwelahan ng kani-kanilang mga anak ang pinagmulan ng pagtatalo nina Agustin at Boy Chico hanggang sa magpambuno sila at humantong nga sa barilan. Pero sinabi ng aking espiya na maaaring may malalim pang dahilan sa insedente na dapat bungkalin ng NBI. At isa rito ay ang tungkol sa pagkaskas o nakaw na mga credit cards. Iginiit ng aking espiya na ito palang si Boy Chico ay may kabit na namimili sa Hong Kong at Singapore na ang mga gamit ay nakaw na credit cards. At itong si Agustin ay mukhang dahan-dahang inaabot ang illegal na lakad ng mga ito.
Dapat imbestigahan ito ng NBI para lumitaw ang katotohanan at ang kaluluwa ni Agustin ay matahimik na kapag nagkaroon na siya ng hustisya. Sa pagkamatay ni Agustin, naulila niya ang asawang si Mary Grace at apat na mga anak, na lumabo ang kinabukasan dahil lamang sa init ng ulo ni Boy Chico.