Pasko ng Pagkabuhay: Bagong Pag-Asa

Sa pagdiriwang natin ng Pasko ng Pagkabuhay ni Jesus, dala nito ang bagong pag-asa para sa ating lahat. Ito ay ang pag-asang maaari tayong magkaroon ng panibagong buhay na naayon sa kung ano ang tama at sa aral ng Diyos Ama. Sa ating pansariling pamumuhay at kasaysayan bilang isang bansa, dumanas din tayo ng maraming pagsubok at paghihirap gaya ni Jesus. Tulad niya, tayo rin ay ilang beses ng nasaktan at gaya niya maaari rin tayong bumangon mula sa ating kinasadlakan.

Ang muling pagkabuhay ni Jesus ay dapat na maging inspirasyon sa ating lahat na sa gitna ng sakit at kabiguan, sa gitna ng paghihirap ay magkakaroon din ng liwanag. Ito ay maaari nating isabuhay hindi lamang sa ating pansariling karanasan kundi pati na rin sa buong bansa. Ang kailangan lamang ay manalig tayo sa ating kakayahan at sa kapangyarihan ng sama-samang pagkilos.

Ang ating sama-samang pagkilos sa EDSA II ay isang pagbangon. Mula sa isang administrasyong naging mapagsamantala, natuto tayong ipaglaban ang ating karapatan para sa maayos at matapat na pamahalaan. Mula sa mga mapagmalabis na pamunuan, natuto tayong bawiin ang kapangyarihang ating ipinagkatiwala. Gaya ng ating paninindigan sa EDSA II, sana ay matuto rin tayong manindigan para sa katotohanan at para sa ating kapwa.

Ang tunay na pag-unlad ng bansa ay hindi lamang nakasalalay sa mga proyekto at programa ng gobyerno kundi sa suporta ng bawat mamamayan. May mahalagang papel ang bawat mamamayang Pilipino sa pag-unlad ng bansa, hindi lamang sa panahon ng botohan ngunit sa bawat araw. Nalugmok man ang ating ekonomiya at ang ating bansa, sa ating sama-samang pagkilos ay muli tayong babangon, gaya ng matagumpay na pagbangon ni Jesus.

Show comments