Ngunit nakalulungkot na sa mga panahong ito, iba na ang kahulugan ng "tagumpay" sa aking propesyon. Ang naging pangunahing dahilang nag-uudyok sa mga abogado ngayon ay hindi na upang hanapin ang katotohanan at hustisya kundi ang pagkamkam ng kayamanan kahit baluktot ang pamamaraan. Nasaksihan nating lahat ito noong impeachment trial ni dating President Estrada kung saan ang mga abogado niyay gumamit ng lahat ng mga hindi maunawaang pangungusap at teknikalidad para lang huwag lumabas ang katotohanan. Ang abogadong tinutularan ngayon ay yung mapapalusot ang kliyente nila sa burak ng katiwalian, eskandalo, iligal na gawain at iba pang krimen dahil sa abilidad at katalinuhan lamang kahit labag sa tamang pamamaraan.
Sa totoo lang, itoy nangyayari hindi lamang sa abogasya kundi sa ibat ibang propesyon at hanapbuhay. Dahil sa nakalulungkot na kalagayang ito, ang isang grupo ng mga propesyonal na kinabibilangan ng mga abogado, doktor, arkitekto, accountants, mga guro at manggagawa ay nagtatag ng isang samahan upang mapanumbalik at mapanatili ang mataas na pamantayang moral at dignidad sa propesyon, gawa at negosyo; mapabuti at mapagyaman ang kanilang kakayahan, kaisipan, dunong at galing, at maitaguyod ang kanilang kaalaman sa responsibilidad sa kapwa at lipunan. Ito ay Ang Ipaglaban Mo (AIM) Party, ang sektoral na partido ng Ipaglaban Mo Foundation. Ang Ipaglaban Mo Foundation ay itinatag noong 1991 at itoy nakapagsagawa na ng mga proyektong pang-serbisyo publiko tulad ng mga sumusunod: Ang legal TV dramang pinamagatang "Kapag May Katwiran, Ipaglaban Mo!" sa IBC-13, ABS-CBN at RPN-9; ang maikling programang ukol sa batas na may pamagat na "Ikaw at Ang Batas" sa ABS-CBN, RPN-9 at Radio Veritas; ang kolum sa diyaryong Philippine Star na may pamagat na "A Law Each Day" tungkol sa mga kasong nadesisyunan na ng Korte Suprema, ang Tagalog na kolum sa Pilipino Star NGAYON na may pamagat na "Ikaw at Ang Batas" at "Kapag Nasa Katwiran" na tungkol din sa mga desisyon ng Korte Suprema; ang dalawang aklat tungkol sa pang-araw-araw na batas panlipunan at pampamilya na may pamagat na "A law Each Day" at "Primer on the Family Code", at ang "Ipaglaban mo!" komiks.
Sa panahon ngayon, wala nang inaatupag ang mga tao kundi ang magpayaman at maisulong ang sariling interes. Kaya nalimutan at isinantabi na ang pagpapahalaga sa katotohanan at katarungan na siya namang itinataguyod ng Ang Ipaglaban Mo (AIM) Party. Dahil dito wala nang mapansin sa paninindigan ng AIM (Ang Ipaglaban mo) Party. Ngunit dahil sa batas RA 7941, isang oportunidad ang ibinukas sa AIM upang magkaroon ng tinig at kinatawan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. Ito ang sistemang party list kung saan binibigyan ng kinatawan sa gobyerno ang mga binabale-wala at walang tinig na sektor ng lipunan.