Sa ating pagninilay sa mahal na pasyon ni Jesus ay ating natunghayan kung paano siya nilibak, kinainggitan at pinlanong patayin ng mga Iskriba at Pariseo na sa kasalukuyang panahon ay nananatili pa rin sa mga taong ipokrito, mapagkunwari at traydor. Maganda ang ipinakikita sa harapn ngunit pagtalikod ay tatarakan ka. Mga mapanirang-puri sila. Manloloko. Mahilig manlamang sa kapwa. Ginagawa nila ang lahat para sirain ang dangal at pagkatao sa pamamagitan ng mga tsismis na ikinakalat nila. Walang halaga na tapakan nila ang kanilang kapwa makamit lang ang kanilang gusto.
Sa Via Cruzes (station of the cross) ay mapupuna na marami pang mga Iskriba at Pariseo na halos ay dumipa at ipagsigawan sa sinagoga ang kanilang pagdarasal na hindi naman bukal sa kanilang kalooban. Gaya ng mga Iskriba at Pariseo ang mga ipokrito ngayon ay pinapapangit ang mga mukha para ipakita na sila’y nahihirapan sa kanilang pag-aayuno. Ang taong tulad nila ay nahusgahan na at sa bawat kasamaan nila ay may nakalaang karma. Hindi pa huli para pagsisihan ang mga kasalanan. Si Jesus na aking Panginoon ay maunawain, mapagmahal at mapagpatawad. Kaya siya namatay sa Krus ay para tubusin tayong mga makasalanan. Iyan ang diwa ng Semana Santa.