Pinabulaanan naman ng PMA na "hazing" ang dahilan ng kamatayan ni De Guzman. Umano’y nagkaroon ng tubig ang baga ni De Guzman. At habang inaalis ng mga doktor ang tubig sa baga nito nawalan ng koryente na naging dahilan para tumigil ang ginagamit na machine. Ayon kay PMA Superintendent Manuel Carranza hindi umano sumailalim sa maltreatment si De Guzman. "Nobody would like to get involved in any hazing here. Nangyaring bumigay lang ‘yung kadete," dagdag ni Carranza.
Ipinag-utos ni GMA ang imbestigasyon sa pagkamatay ni De Guzman. Ang kamatayan umano ng kadete ay isang sensitibong isyu na hindi dapat ipagwalambahala. Inatasan ni GMA ang pamunuan ng PMA na mag-submit kaagad ng report sa misteryosong kamatayan ng kadete.
Talagang hindi dapat ipagwalambahala ang sunud-sunod na pagkamatay ng kadete sa PMA. Noong March 10, namatay sa hazing si Cadet Edward Domingo. Namatay ito bunga ng matitinding bugbog na nalasap sa kapwa kadete. Hindi pa nalulutas ang kamatayan ni Domingo ay eto na naman ang kaso ni De Guzman na umano’y matinding pahirap din ang dahilan ng kamatayan.
Tila hindi tumimo sa isipan ng mga namumuno sa PMA o sa mga kadete rito ang sinabi ni GMA dalawang linggo na ang nakararaan na walang puwang sa lipunang ito ang mga violent-minded military officers. Ang kailangan aniya ay iyong mga professional na sundalo na handang lumaban sa giyera at may tunay na disiplina. Hindi aniya kailangan ang disiplinang itinatak ng lupit ng hazing.
Maaaring masundan pa ang mga nangyayaring pagkamatay ng mga kadete kung hindi isasaisip ng mga nasa PMA ang tunay na paraan para maging tunay na sundalo. Kung ang paiiralin ay ang disiplinang may pagka-barbaro, anong klaseng sundalo ang iluluwa ng military school na ito na isa pa naman sa pinakamagaling umano sa Asia. Kung magpapatuloy ang kalupitan, maaaring wala nang magulang na mag-ambisyong pag-aralin dito ang kanilang anak. Para ano pa? Para Mamatay Agad (PMA)? Tigilan na ang karahasan. Tigilan na ang maka-demonyong hazing!