Pantay na katarungan

Ang Republic Act 3844 o Agricultural Land Reform Code ay isang batas na ang layunin ay maiahon ang magsasaka sa pagkabilanggo sa lupang sinasaka at maipamahagi ang lupang sakahan nang naaayon sa nasabing batas at sa ating Saligang Batas.

Si Arnel ay nagmamay-ari ng dalawang ektaryang lupaing sakahan sa Bulacan. Ito ay sinasaka ni Oscar sa loob nang tatlong taon na. Naisip ni Oscar na ipasok na ito sa sistemang leasehold batay sa Land Reform Code. Sa halip na pumayag si Arnel ay nagsampa ito ng kasong ejectment laban sa kasama, na ang basehan ay ang intensiyong personal na sakahin ang kanyang bukirin. Ito ay pinahihintulutan ng nasabing batas sa layuning hikayatin ang mga nagmamay-ari ng mga lupain para pagyamanin ang sariling sakahan. Nanalo si Arnel sa Court of Agrarian Relations, inapila ito ni Oscar at habang walang desisyon ay panibagong batas ang umiral, R.A. 6389 na inaalis ang personal na pagsasaka sa lupa bilang basehan sa pagpapaalis sa kasama. Ginamit ito ni Oscar, na dapat daw ay ipasunod sa kanya bilang kasama na pinapaboran ng bagong batas. Tama ba siya?

Mali.
Una, dahil ang mga batas ay hindi puwedeng ipatupad sa mga pangyayaring naganap na bago pa ito umiral. Maliban na lamang kung sinasabi mismo rito na dapat itong pairalin sa mga lumipas nang taon. Ang R.A. 6389 ay hindi ginawa upang panigan ang piling grupo lamang. Ito ay isang batas panlipunan na ang layon ay pantay na katarungan sa lahat pati na ang nagmamay-ari ng mga lupain kung ang ‘‘kasama’’ ay may proteksiyon ng batas gayon din naman ang mga may-ari ng sakahan.

Sa kasong ito ang sukat ng lupa ay dalawang ektarya lamang. Para panigan ang magsasaka ay paglabag sa adhikaing nasyonal na magkaroon ng malaya at pansariling kakayanan na sakahin ng may-ari ang sariling lupain. Hindi rin makatwiran na ang ani ng ganito kaliit na lupa ay paghahatian pa ng dalawang pamilya – una nang may-ari at pangalawa nang sumasaka rito. Ang pangunahing layunin ng land reform ay ang pagbabahagi ng kayamanan at lupain sa wastong kapaki-pakinabang na sukat at hindi ang panatiliin o ibahagi ang kahirapan sa bawat Pilipino. (Nilo vs. Court of Appeals, 128 SCRA 519)

Show comments