Dahil umano sa takot kay Galvez, sinunod ng tatlo ang utos. Umaga noong nakaraang Miyerkules ay umatake ang tatlo at naispatan ang nurse na si Melvin Pala na naglalakad malapit sa St. Lukes Medical Center na hawak ang Nokia cellphone. Inagaw ng tatlo ang cellphone ni Pala subalit nagkataon namang nasa lugar na iyon si PO1 Yepes. Hinabol nito ang mga snatchers at pinagbabaril si Mijares hanggang mamatay ito. Nakatakas ang dalawang kasamahan ni Mijares na nagbulgar sa modus operandi ni Galvez.
Sabagay karaniwan na lamang ang pangyayaring ito. Ang PNP ay Pabagsak Nang Pabagsak dahil sa masamang gawain ng mga miyembro nito. Habang marami rin namang miyembro nito ang nagnanais na makaahon sa kinasadlakang putikan, tila hindi naman nangangarap ang iba pa kaya lalong nababaon ang PNP sa kontrobersiya. Karaniwan na ang pagpapakawala ng mga pulis sa mga hawak nilang snatchers. Hindi ba’t sa Divisoria ay marami ring alaga ang mga pulis. Maaalala ang mga pulis na pinangungunahan ni Lawrence Cajipe ng WPD na naakusahang nag-salvage ng tatlong snatchers. Malupit ang ginawa nina Cajipe sapagkat pagkaraang patayin, sinunog pa ang bangkay ng mga sinalvage at itinapon sa bangin.
Marami ring pulis ang sangkot sa illegal drugs. Kamakaila’y hinatulan ng kamatayan ang 10 pulis na nagpatakas ng dalawang drug trafficker kapalit nang malaking halaga ng pera.
Sa kasalukuya’y wala pang nagagawa si acting PNP chief Deputy Director Leandro Mendoza kung paano malilinis ang organization. Paano matutupad ang pangako ni President Gloria Macapagal-Arroyo na mapapangalagaan ang taumbayan kung may mga pulis na gumagawa ng masama.