Mautak nga tong si Erap, e. Naisahan niya ang hustisya. Napabusalan niya sa Korte Suprema ang Ombudsman sa pagyakyak tungkol sa mga plunder cases niya. Pero siya naman, panay ang yakyak tungkol dito. Panay ang ikot sa mga probinsiya para ibintang sa Rich Peoples Power, sa mga mayayaman ng Makati, ang kanyang pagbagsak. Parang nanghihikayat na mag-rebolusyon ang mahihirap para sa kanya. Naghakot pa ng taga-tsutsuwa ng Erap pa rin sa Smokey Mountain, para pamukhaan si Presidente Gloria Arroyo na kesyo mas-sikat siya.
Nagpapa-diyaryo pa. Kesyo bulaan daw sina kababatang SSS chief Chuckie Arellano at taga-kampanyang GSIS head Federico Pascual nang sumumpang inutusan niya silang ipambili ang pera natin ng Belle Corp. shares niya. Nagbulaan din daw sina cronies Mark Jimenez at Willy Ocier nang sumumpang nag-kickback siya ng P190 milyon sa deal. Imposible raw iyon. Investment departments daw ng SSS at GSIS ang nag-approve ng bilihan. At wala raw katibayang binulsa niya ang pera.
Pero ang di-mapaliwanag ni Erap ay kung papaanong pumasok ang tsekeng P190 milyon sa Equitable-PCI Bank account ni alyas Jose Velarde. Nauna rito ang tsekeng P126 milyon na inutang niya kay Jimenez habang hindi pa dumarating ang P190 milyon. Alam naman ng madla kung sino si Velarde. Tumestigo sina Clarissa Ocampo at Manuel Curato sa Senado na pumirma si Erap ng ganoong alyas isang dipa lang mula sa kanila. At di rin mapaliwanag ni Erap kung bakit meron pa siyang $3 milyon sa Allied Bank sa ilalim din ng alyas Velarde.
Ipit si Erap dito. Ika nga, ang isday nahuhuli sa sariling bunganga. Oo nga, ano. Tiyak hindi nga si Erap ang pakay ni Manero na pulutanin.