Ipinagsisigawan nina Tiongson na nilabag daw ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang kanilang freedom of expression, pagkitil sa pagpapaunlad ng art at ang pakikialam umano ni Cardinal Sin sa tungkulin ng MTRCB. Sa nangyayaring ito, naghahati-hati pati na ang mga artista sa pagtugaygay sa nasabing kontrobersya. Nasaksihan ko ito sa nakaraang Urian Award na may mga artistang harapang ipinakita na laban sila sa ginawang aksyon nina GMA at Sin. Marami rin naman doon ang sumuporta kay GMA at kay Sin.
Sabihin na natin na may katwiran sina Tiongson at ang mga concerned artists na ipaglaban ang kanilang pinaniniwalaang adhikain, ngunit dapat nilang isaalang-alang ang kabutihan ng higit na nakararami sa lipunan na katungkulan ng Simbahan at ng pamahalaan upang maiiwas ang lahat sa kapahamakan. Katungkulan din nina Tiongson na harapin ang katotohanan na may hangganan din kung anuman ang kanilang pinaniniwalaang pilosopiya.
Bilang isa ring maituturing na concerned artist, ako ay umaasa na sana ay huwag nang humaba pa ang hindi pagkakaunawaan ng magkabilang-panig sapagkat ang ganitong iringan ay hindi makapagdudulot ng kabutihan at karangalan sa ating bansa na sa kasalukuyan ay bumabangon pa lamang sa pagkakalugmok.