Hinihikayat kong makinig ang mamamayan sa plataporma o mga sasabihin ng mga kandidato upang makilala silang mabuti. Pakinggan ninyo ang kanilang mga planong pagpapaunlad sa inyong lugar. Maging marunong po sana kayong kumilatis ng mga kandidato ngayong darating na eleksiyon.
Ang antas ng maturidad ng mamamayan ay maaaring makita sa kanilang reaksyon sa mga kandidatong nagdaraos ng rally sa kanilang mga lugar. Karaniwan lamang na magkaroon ng mga hiyawan sa mga kampanyang ito ngunit hindi dapat batuhin ang mga kandidato.
Kamakailan, ang mga kandidato ng People Power Coalition (PPC) ay nakaranas ng pananakit sa mga pro-Erap na manonood. Mabuti na lamang at marurunong makisalamuha at natural na maunawain ang mga kandidato ng PPC. Dito natin masusukat ang kanilang tunay na karakter, ang pagtanggap ng kritisismo. At sa huli naging matagumpay naman ang kanilang kampanya.
Totoong mayroon tayong kalayaan sa pagsasalita ngunit huwag naman itong gamitin sa pananakit ng kapwa. Irespeto ang pananalig at paniniwala ng iba. Makiisa tayo sa pamahalaan na magsulong ng mapayapang eleksiyon.