Akala nila lusot na

Nu’ng una, nagtataka ’ko. Bakit ba ang daming kasong plunder na sinasampa laban kay Joseph Estrada? Walo lahat. Minsan lang naman siya puwedeng i-lethal injection.

Ngayon naiintindihan ko na. Lalo na nang sabihin ni Justice Sec. Nani Perez na pag-iisahin na lang ang walong kaso.

Nangamba sa plano ni Perez ang mga abogadong Leonard de Vera, Romy Capulong at Dennis Funa. Kasama kasi sila sa pagsampang unang anim na plunder cases. Puro ’to laban lang kay Erap. Walang kasangkot. Tapos, nagsampa si Perez ng ika-pito’t ika-walo. Laban lang din kay Erap. ’Yung ika-pito, batay sa salaysay ni crony Mark Jimenez na ginamit ang pera natin sa SSS at GSIS sa pagbili ng Equitable Bank PCI Bank. ’Yung ika-walo, batay sa ‘‘sumbong’’ nina SSS president Carlos Arellano, GSIS chief Federico Pascual at crony Willy Ocier pinagamit uli ni Erap ang pera natin sa pagbili ng BW Resources shares nila ni Dante Tan. Kaso mo, binigyan ni Perez ng immunity sina Jimenez, Arellano, Pascual at Ocier. Pinalusot sa kasong plunder dahil kumanta raw. E, may hinala pa naman ang mga abogado na kumita rin ang apat sa mga kalokohan ni Erap.

Hinayag ni Perez na balak din niyang bigyan ng immunity si PLDT chairman Manny Pangilinan kung kakanta rin ito sa paggamit uli ni Erap sa perang SSS at GSIS sa pagbili naman ng First Pacific sa PLDT. Sobra na ’to, anang mga abogado. Pinalulusot ni Perez ang mga kasabwat ni Erap sa kabuktutan.

Bago pa man makapagsampa si Perez ng ika-siyam na plunder case – ’yung tungkol sa PLDT – inunahan na siya ng mga abogado. Hinabla nila muli si Erap dahil sa P3.2-bilyong bank deposit, tiyak na nakaw na yaman, sa alyas Jose Velarde. Pero hindi na nag-iisa si Erap. Idinawit nila lahat ng crony na nagdeposito ng pera kay ‘‘Velarde’’: sina Jimenez, Tan, Pangilinan, mag-asawang Jaime at Abby Dichaves, William Gatchalian, George Go, Kelvin Garcia, Fernando Chua at Antonio Evangelista.

Um, sige, akala nila lusot na sila, ha.
* * *
Lumiham sa Pilipino Star NGAYON sa jariusbondoc@workmail.com

Show comments