EDITORYAL - Bitay sa mga pulis na corrupt

Nararapat lamang na may ngipin ang batas at mahigpit itong ipatupad. Dapat na wala itong pinipili kahit mga alagad ng batas ang magkasala. Ang parusang bitay na inihatol ni Judge Diosdado Peralta ng Quezon City Regional Court kay Superintendent Francisco Ovilla, Senior Insp. Edwin Misador, Senior Police Officer 4 Florendo Lucila, SPO3 Benjamin Fonacier, SPO2 Teodorico Lado, SPO1 Ronnie Rodaje, SPO1 Orencio Jurado, PO3 Manuel Malong, PO3 Orlin Comia at PO2 Ladislao Rebengcos ay kapuri-puri. Dapat tularan si Judge Peralta ng iba pang hukom upang masugpo na ang mga corrupt na pulis sa bansa.

Hindi dapat patawarin ang mga pulis na nasasangkot sa droga o nagpapatakas ng mga drug traffickers kapalit ng pera. Gaano karaming buhay na ba ang nasayang dahil sa pagkalat ng bawal na gamot dito sa bansa partikular ang shabu? Napakarami na. At nasisiguro namin na kaya hindi natatakot ang mga drug trafficker na karamiha’y mga foreigner ay sapagkat kaya nilang tapalan ng pera ang mga corrupt ng police officials at mga tauhan nito. Gaya nga ng corrupt na si Ovilla at siyam na tauhan nito.

Matibay ang ebidensiya laban kina Ovilla at pinatotohanan ito ng dalawang mabubuting pulis – sina SPO3 Reynato Resureccion at PO3 Wilfredo Gonzales na tumayong mga witness. Batay sa rekord ng kaso, naaresto nina Ovilla, noo’y commander ng Anonas police station ang mga drug traffickers na Jimmy Tan at Randy Koo na nag-iingat ng 1.5 kilo ng shabu worth P5 million noong 1999. Pinalaya nina Ovilla ang dalawang Intsik makaraang tumanggap ng P650,000. Bukod sa pera tumanggap din sila ng isang Honda Civic car at shabu mula sa dalawang traffickers. Ang mga rekord sa pagkakahuli sa dalawang drug trafficers ay nawala at hindi maipaliwanag ni Ovilla. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa nahuhuli ang dalawang salot na Intsik at maaaring abala na naman sila sa pagkakalat ng shabu. Marami na naman silang sisiraing kabataan.

Sana’y marami pang katulad ni Judge Peralta at mga pulis na tulad nina Resureccion at Gonzales. Ang mga katulad nila ang kailangan ngayon ng bansa upang lubusang madurog na ang mga nagpapakalat ng shabu. Ang ginawa ni Judge Peralta ay isang paraan upang tuluyang bumangon ang pagtitiwala ng taumbayan sa justice system ng bansa. Malaking tulong ang pagkakahatol ng bitay kina Ovilla para matakot ang iba pang mga pulis na gumawa ng masama. Nababatid namin na marami pang Ovilla sa Philippine National Police (PNP) at ito ang dapat na bantayan at durugin ni acting PNP Deputy Director Leandro Mendoza.

Show comments