Labinlimang taon nang mata ng bayan ang PSN at nakatutok sa mga nangyayari sa kapaligiran. Nahagip ng matalas na mata ang pagbagsak ng administrasyon ni President Estrada na naugnay sa maraming kaso ng katiwalian na nagpasiklab sa People Power 2 sa EDSA. Naupo si Gloria Macapagal-Arroyo at ngayoy tumatahak na sa bagong yugto ang buhay ng mga kawawang Pilipino. Ganoon pa man, nanatili rin namang nakamata ang PSN sa bagong administrasyon sa galaw nito, estilo ng pamumuno at pag-asam sa mga pangakong iaahon sa kahirapan ang masang minsan nang "inuto" ng nakaraang administrasyon. Nagbabantay din upang ang ginawang mga katiwalian ni Estrada ay hindi na muli pang maulit. Patuloy din namang nagbibigay ng babala ang PSN sa masang Pilipino na magkaroon na ng aral sa pagpili ng mamumuno. Tama na ang isang pagkakamali at hindi na dapat maulit ang pagkakadapa sa kumunoy ng kahirapan.
Labinlimang taon na ang PSN at patuloy pa kaming maglilingkod sa masang Pilipino. Hindi namin titigilan ang paghahatid ng mga sariwa at maiinit na balita para sa inyo. Patuloy kaming magsisikap para maibigay ang isang makatotohanan at balanseng diyaryo. Walang kinikilingan, walang pinapaboran, kalaban ng mga corrupt at mapagsamantala sa bayan. Walang nababago sa pangako ng PSN sa masang Pilipino at lalo pang titindi dahil sa inyong suporta. Ang tagumpay ng diyaryong ito ay tagumpay ng bayan at hindi namin kalilimutan ang kapakanan ng masang tumatangkilik sa amin. Kasama namin kayo sa tagumpay.