^

PSN Opinyon

Editoryal - 15 taon na ang diyaryo ng masa

-
Tinatag ang diyaryong ito tatlong linggo makalipas ang unang People Power sa EDSA. Masyadong nauhaw sa kalayaan ang mga Pilipino at nauhaw din silang makabasa ng diyaryong hindi binusalan at nakakadena. Isa ito sa mga dahilan kung bakit isinilang ang diyaryong ito – ang pawiin ang kauhawan ng masang Pilipino na makapagbasa ng isang malayang pahayagan. Kung gaano na katagal ang unang People Power ganito na rin katagal ang Pilipino Star NGAYON (PSN) na unang tinawag na Ang Pilipino Ngayon. Labinlimang taon na ang nakararaan subalit nananatili pa rin ang layunin nitong paglingkuran ang masang Pilipino. Mula noon hanggang ngayon, matapang pa rin itong nagbubunyag ng kabulukan sa gobyerno at humikayat sa taumbayan na magbantay para hindi na muling manakaw ang kalayaan gaya ng ginawa ni dating diktador Ferdinand Marcos. Hindi na dapat makalusot pa ang mga pinunong tulad ni Marcos na nagpakasawa sa kapangyarihan.

Labinlimang taon nang mata ng bayan ang PSN at nakatutok sa mga nangyayari sa kapaligiran. Nahagip ng matalas na mata ang pagbagsak ng administrasyon ni President Estrada na naugnay sa maraming kaso ng katiwalian na nagpasiklab sa People Power 2 sa EDSA. Naupo si Gloria Macapagal-Arroyo at ngayo’y tumatahak na sa bagong yugto ang buhay ng mga kawawang Pilipino. Ganoon pa man, nanatili rin namang nakamata ang PSN sa bagong administrasyon – sa galaw nito, estilo ng pamumuno at pag-asam sa mga pangakong iaahon sa kahirapan ang masang minsan nang "inuto" ng nakaraang administrasyon. Nagbabantay din upang ang ginawang mga katiwalian ni Estrada ay hindi na muli pang maulit. Patuloy din namang nagbibigay ng babala ang PSN sa masang Pilipino na magkaroon na ng aral sa pagpili ng mamumuno. Tama na ang isang pagkakamali at hindi na dapat maulit ang pagkakadapa sa kumunoy ng kahirapan.

Labinlimang taon na ang PSN at patuloy pa kaming maglilingkod sa masang Pilipino. Hindi namin titigilan ang paghahatid ng mga sariwa at maiinit na balita para sa inyo. Patuloy kaming magsisikap para maibigay ang isang makatotohanan at balanseng diyaryo. Walang kinikilingan, walang pinapaboran, kalaban ng mga corrupt at mapagsamantala sa bayan. Walang nababago sa pangako ng PSN sa masang Pilipino at lalo pang titindi dahil sa inyong suporta. Ang tagumpay ng diyaryong ito ay tagumpay ng bayan at hindi namin kalilimutan ang kapakanan ng masang tumatangkilik sa amin. Kasama namin kayo sa tagumpay.

ANG PILIPINO NGAYON

FERDINAND MARCOS

GLORIA MACAPAGAL-ARROYO

LABINLIMANG

MASANG

PATULOY

PEOPLE POWER

PILIPINO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with