EDITORYAL - Nagtatrabaho ba ang PAOCTF ?

Siyam na kaso na ng kidnapping ang naganap sapul nang maupo si President Gloria Macapagal-Arroyo. At hindi basta-basta kidnap for ransom ang ginagawa ng mga walang kaluluwa, pumapatay pa sila ngayon. Wala na silang awa sa kanilang mga biktima. At sa mga nangyayaring ito na tila wala nang kinatatakutan ang mga kidnappers, may ginagawa bang hakbang ang Philippine National Police (PNP) upang mabuwag na ang mga sindikato ng kidnap for ransom. Nagtatrabaho ba talaga nang husto ang Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF)?

Isang halimbawa ng kalupitan ng mga kidnappers ay ang pagkidnap at pagpatay sa dalawang estudyante ng University of the Philippines-Baguio. Natagpuan ang bangkay nina Giancarlo Posadas Leung, 22 at Tihani Tingal, 26, noong Linggo ng gabi (March 11) sa Bgy. Laug, Mexico, Pampanga matapos kidnapin noong March 8. Si Leung ay journalism student samantalang si Tingal ay communication student.

Humihingi umano ng P1 milyon ang mga kidnapper sa pamilya ng dalawang kinidnap. Nakipag-ugnayan ang pamilya ng mga biktima sa PAOCTF. Tumawag muli ang mga kidnappers hanggang sa ibinaba ang halaga sa P140,000. Hindi nabatid sa report kung naibigay ang perang hinihingi ng mga kidnapper at kung bakit pinatay pa ang dalawang estudyante. Nagbigay ng alarma ang PAOCTF tungkol sa kotseng ginamit ng mga kidnapper na 1995 Toyota Corolla Plate No. UPS 538.

Ikasiyam na kaso ng kidnapping at ngayong papalapit na ang May 14 elections ay inaasahang tataas pa ang ganitong kaso. Hanggang sa kasalukuyan hindi pa rin nalulutas ng PAOCTF ang pagkidnap at pagpatay sa isang Greek shipping executive. Kinidnap umano noong January 15 si Felippo Orfanos, 62, at noong February 23 ay nakita ang nabubulok na bangkay nito sa damuhan sa isang barangay sa Morong, Rizal.

Kumikilos ba talaga ang PAOCTF sa problema ng kidnapping o pambulag lamang ang sinasabi nilang pagsisikap. Bakit hindi pa nadadakip ang lider ng kidnap for ransom na si ‘‘Engineer Bucala’ na ngayo’y may dalawang taon nang natatakasan ang batas mula nang matunton ang hideout nito at mahuli ang kanyang mga miyembro. Madulas ba talaga ang taong ito at nangangamote ang PAOCTF? Gumagalaw din ba sila sa pagkawala ng PR man na si Bubby Dacer?

O hindi sila nagtatrabaho at ang pagkampanya sa mga tatakbong senador sa darating na halalan ang inaatupag. Mas makabubuting unahin ang kapakanan ng taumbayan kaysa kapakanan ng iba. Kaya namang bantayan ng mga kandidato ang kanilang sarili.

Show comments