Ngunit sa darating na eleksiyon, malamang na maraming kabataan ang hindi makaboboto dahil hindi nakarehistro. Ganoon din ang mga dating rehistrado na lumipat na ng tirahan at hindi rin nalaman ang petsa ng pagpaparehistro dahil sa pagiging abala noon sa impeachment trial o sa kanilang trabaho. Mahigit na apat na milyong kabataan ang hindi makaboboto ngayong darating na eleksiyon.
Noong Disyembre 27, 2000 ay nagkaroon ng registration. Ngunit ang impormasyong ito ay hindi umabot sa lahat ng mamamayan. Hindi ito nabasa at narinig sa mga pahayagan, radyo, telebisyon, sinehan, at iba pang pamamaraan upang iparating sa ating mga kababayan ang nasabing registration. Walang malawakang pamamahayag ang Comelec sa nasabing registration.
Ang kasalukuyang administrasyon ay nagpahiwatig ng pagkakaroon ng karagdagang budget upang muling magkaroon ng registration. Ang mga lider ng Kongreso ay pinag-aaralan ding magdaos ng special session upang amyendahan ang BP 881. Ngunit sinabi rin ng nasabing batas na may kapangyarihan ang Comelec na magbigay ng ibang petsa ng pagpaparehistro.
Mabigyan sana ang apat na milyong kabataan ng pagkakataon na makaboto sa darating na eleksiyon. Karapatan nilang makabahagi sa proseso ng pagpili ng kanilang mga kandidato. Ang kanilang kinabukasan din naman ang nakasalalay sa maaaring maging resulta ng darating na eleksiyon.