^

PSN Opinyon

EDITORYAL - PMA: Philippine Murder Academy

-
Marami nang namamatay na kadete dahil sa ginagawang hazing sa Philippine Military Academy (PMA). Subalit sa kabila nito hindi pa rin tumitigil ang pagsasagawa ng karumal-dumal na paraan ng pagpapahirap na umano’y kaugalian na. Ang pinakabagong biktima ng hazing ay si Cadet Fourth Class Edward Domingo. Dahil sa matitinding suntok sa kanyang tadyang nagkaroon siya ng blood clots sa buong katawan at nang awtopsiyahin napag-alamang dumanas siya ng cardiorespiratory arrest. Isa sa mga suspect sa pagpapahirap ay si Cadet Third Class John Louie Ong, kaibigan ni Domingo.

Pangarap ni Domingo na maging sundalo subalit maagang naputol dahil sa hindi masawatang hazing. Isang malaking katotohanan na maging sa pinaka-istriktong military school ay nakalulusot ang hindi makataong pagpapahirap. O malambot ang ngipin ng mga namumuno sa academy at hindi nasisindak ang mga kadeteng ‘‘uhaw na yata sa dugo’’ ng kapwa kadete.

Sinabi ni PMA Supt. Maj. Gen. Manuel Carranza na ang pagkamatay ni Domingo ay may kaugnayan sa ‘‘selebrasyon’’ ng mga kadete. Kino-congratulate umano ng mga fourth class cadets ang mga plebes subalit nagkaroon ng physical contact. Umano’y gumamit pa ng lead pipe ang mga kadete para ipalo ng walong beses sa puwit ng mga third class cadets.

Saglit lamang ang pahirap kay Domingo subalit matagal na hirap at kirot ng kalooban ang idudulot sa kanyang mga magulang. Hindi marahil akalain ng mga magulang ni Domingo na ang pinasukang akademiya ang magdudulot ng masamang bangungot. Subalit hindi na maibabalik ang lahat. Kahit na maipakulong ang mga may kagagawan sa kamatayan ng kanilang anak, wala na ring saysay sapagkat hindi na naman maibabalik ang buhay.

Hindi kami naniniwala na naipatutupad nang lubusan ang kahigpitan sa academy. Maraming pagkukulang sa kanilang pamumuno. Marahil, nakalimutan nilang naitanim sa isipan ng mga kadete na ‘‘huwag maging uhaw sa dugo.’’ Na hindi lamang sa pamamagitan ng pagpapahirap maaaring ipabatid ang tibay ng samahan o pagkakapatiran.

Naniniwala kami na marami pang buhay ang malalagas sa PMA hanggat hindi lubusang nahuhubog ang isipan ng mga kadete na iwasan ang kaugaliang may bahid ng karahasan. Patuloy silang magiging ‘‘uhaw sa dugo’’ lalo pa’t ang mga suspect ay hindi naman napaparusahan. Saan patungo ang academy kapag nagpatuloy sa loob nito ang karahasan?

ARING

CADET FOURTH CLASS EDWARD DOMINGO

CADET THIRD CLASS JOHN LOUIE ONG

DOMINGO

MANUEL CARRANZA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with