Iban naman ang pananaw ng mga beterano sa pulitika. Ani Angara, na dalawang beses nang nanalo bilang senador pero natalo sa pagka-bise presidente, nagsisimula pa lang ang labanan. Pebrero ginawa ang survey. Nagpapakilala pa lang ang mga kandidato. Marami pang botanteng hindi alam kung sinu-sino ang ibang kalahok. Malaki raw ang pinagbabago ng resulta – malamang daw ay 9-4 pabor sa PnM – sa araw ng eleksiyon.
Tama si Angara. Pero hindi rin madadaan ng mga aktibista ng PPC sa pagpapakilala ng kandidato para ilusot ang limang kulelat. Imposible ang 13-0 sweep. Kailangang pag-aralan nila ang ilang political tricks. Isa na rito ang junking.
Masakit sa tenga ng aktibista ang salitang junking. Parang nang-iiwan ng kasama, nagtataksil sa partido, nangwawasak sa pagkakaisa. Gusto nila, all for one,one for all. Parang Three Musketeers.
Pero ganyan talaga ang statistics ng eleksiyon ng senador. Kung gusto nilang mailusot ang limang kulelat, dapat silang humikayat ng mga botanteng lima lang ang isusulat na pangalan sa balota: Tañada, Herrera, Chato, Monsod at Pagdanganan. Sa ganoong paraan, mas lalaki ang tsansang manalo ang lima. Kasi, mababawasan ang boto ng limang PnM na pasok sa Magic 13. ’Yun nga lang, mababawasan din ang boto ng walong PPC na nangunguna na.
Ilang milyong boto? Aba, isaliksik na nila ’yan.