Na ang puso’t diwa’y kalong ng hinagpis;
Sa bunton ng ulap ako ay sisilip
Upang ang Olympus makitang malapit!
Sa kay Haring Zeus ako’y manghihiram
Ng kulog at kidlat na kapangyarihan;
Sa templo ng hari ay ipaaalam
Ang dusa at hapis nitong ating bayan!
Kay Haring Hercules – matapang malakas
Ako’y manghihiram ng giting at tikas
Kanyang katangian aking ihahampas
Sa mga kriminal, abusado’t hudas!
Sa isang prinsipeng ang ngala’y Adonis,
Ako’y manghihiram ng anyo at kisig
At ang kakisiga’y aking ididilig
Sa mga lalaking tapat kung umibig!
Sa Haring Merkuryo’y aking hihiramin,
Ang pakpak sa ulo’t sa paang matulin
Habang lumilipad ay idadalangin
Sakit ng lipunan ay kanyang gamutin!
Sa diyosang si Venus aking ilalapit,
Ang mga problema nitong bansang gipit;
Na sana ang ganda sa buong daigdig
Ay kanyang ikalat – tanda ng pag-ibig!
At saka kay Diana, symbol ng dalaga
At bilis na tulad ng sa isang usa,
Aking hihilingin na damayan niya
Ang ating Pangulo sa pagpapasiya!