Dapat ding repasuhing mabuti ni GMA ang pagbibigay ng pardon sa mga bilanggo upang hindi siya matulad sa napatalsik na si President Estrada na basta na lamang pumipirma at hindi na nirerebisa ang mga palalayain. Isang halimbawa rito ay nang palayain ang convicted criminal na si Norberto Manero alyas Kumander Bucay noong nakaraang taon. Si Manero ay militia man na bumaril at nakapatay kay Fr. Tulio Favali. Matapos bumulagta si Fr. Favali, kinain pa ni Manero ang utak nito.
Dapat maging maingat si GMA sapagkat ang pagpapalaya o pagpapababa sa sentensiya ng mga criminal ay maselang bagay. Dapat na repasuhin niyang mabuti. Malaking pagkakamali rin kung dumating sa punto na ang maibababa ng hatol ay iyong mga drug traffickers. Sa dami ng mga nahatulang drug traffickers ay wala pang "natuturukan" kahit isa man. At sa palagay namin, kaya hindi natatakot ang mga drug traffickers ay sapagkat walang ngipin ang batas sa bansang ito. Urung-sulong sa paglalapat ng parusa. Kahit maraming buhay na ng mga kabataan ang sinayang ng mga nagkakalat ng bawal na gamot. Sa kabila na marami nang nahuling dayuhang nagpupuslit ng shabu ay patuloy pa rin silang dumadagsa rito. Malambot kasi ang batas at hindi kinatatakutan. Lalo na silang namayagpag sa ningas-kugong kampanya ng pamahalaan ni Estrada.
Ngayong may indikasyong baka mabasura na ang parusang kamatayan, tiyak na magseselebra ang mga rapist, drug traffickers at mga corrupt na government officials. Paano malilinis ang bansang ito kung magiging malambot sa tuwina sa pagpapatupad ng batas. Pag-isipan mo ito Mrs. President. Huwag mong aalisin ang parusang bitay.