Sa kabila na iniwan kami ng aking tatay binibigyan naman niya ako ng suporta kaya lamang masyado itong maliit. Hindi ko ito mapagkasya sa aking pag-aaral at sa mga pangangailangan ko sa araw-araw. Sabi ng tatay ko, ang ibibigay lamang niya ang isinasaad ng batas ayon sa income tax return niyang pina-file na nagbibigay ng P5,000 kada taon sa isang dependent child. Napaka unfair naman po ng batas. Makatuwiran ba ang tatay ko? Ben Agora, Tagaytay City
Hindi makatwiran ang tatay mo. Napagdesisyunan na ng Korte Suprema na ang income tax deduction ay hindi magiging resonableng basehan para sa ibibigay na halaga ng suporta dahil ang income tax deduction ay nagrerepresenta lamang ng halaga na ibinibigay ng estado para sa pag-exempt sa buwis.
Ayon sa Article 194 at 202 ng Family Code, tungkol sa support ito ay ang pagbibigay sa pamumuhay, tirahan, damit, medical na gastos, edukasyon at transportasyon nang ayon sa pinansyal na kapasidad ng pamilya. Ang support na ibibigay ay dapat ayon sa pinagkukunan ng nagbibigay at sa pangangailangan ng tumatanggap.