Si Donya Ramona ay mayamang biyuda ngunit walang anak. May dalawa siyang legal na ampon, sina Bert at Linda, at si Cristina na hindi legal ang pagkakaampon. Ang pinakamalapit niyang kamag-anak ay si Margarita na kanyang pamangkin, na kumokolekta ng mga renta ng kanyang mga paupahang gusali.
Pagkamatay ni Donya Ramona, may inilabas si Margarita na isang testamento na umanoy nasa sulat-kamay ni Donya Ramona kung saan binibigay halos lahat ng kanyang ari-ariang naiwan kay Cristina at dalawa pang babaing hindi niya kamag-anak sina Arlene at Gigi. Tinutulan nina Bert at Linda ang pag-apruba sa nasabing testamento. Hindi raw ito awtentiko. Sa pag-apruba ng nasabing testamento, sina Cristina at Margarita lang ang tumestigo upang patunayang awtentiko ang nasabing testamento o holographic will. Sapat na ba ito?
Hindi. Sa ilalim ng batas, malinaw na tatlong testigo ang dapat magpatunay na itoy awtentiko. Itoy mahigpit na inuutos ng batas upang maiwasan ang posibilidad ng pandaraya at pag-iiba sa huling kahilingan ng namatay. Ang pagkakaroon ng huwad na testamento ay hindi maaalis kaya rekisito ng batas ang tatlong testigo kung may tutol sa testamento. (Codoy and Ramonal vs. Calugay et. al., G.R. 123486 August 12, 1999)