Sa aking pagkakaalam, ang tanging nagawang kasalanan lamang ni Wong ay ang paratangan niya ng corruption si Marine commandant Maj. Gen. Librado Ladia dahil sa bilihan ng mga helmets at mga baril. Dito nagsimula ang kampanya laban kay Wong hanggang humantong sa napabalitang paghahanda ng coup ng Marines sa kanilang hepe.
Sa isang tagamasid, hindi ba nakababahala ang nangyayaring ito? Bakit ang nagparatang ang naparusahan at hindi ang pinaratangan? Lalong nagiging mahiwaga ito sapagkat matataas na tao ng military ang nasasangkot dito. At hindi lang yan, katiwalian ang usaping pinagkakaguluhan at hindi ba ito ang isa sa mga sentro ng programa na nais na harapin ng kasalukuyang administrasyon ni President Gloria Macapagal-Arroyo?
Ang ipinagtataka ko ay kung bakit kay AFP Chief of Staff Angelo Reyes lamang ipinagkatiwala ang pag-iimbestiga at pag-aayos ng naturang kontrobersya. Ito ang ipinahayag ni Defense Secretary Eduardo Ermita, di ba? Subalit, hindi ba posibleng sangkot din o may pinagtatakpan si Reyes sa eskandalong ito? Di ba hinatulan na kaagad niya si Wong na guilty nang nagmamadaling inalis niya ito bilang hepe ng Navy at parang baboy na ipinatapon niya si Wong sa isang walang kakuwenta-kuwentang tungkulin? Ano ang ginawa nila kay General Ladia, ang inakusahan?
Naniniwala ako na dapat ay si President Arroyo mismo ang personal na mag-desisyon sa anomalyang inilahad ni Wong. Dapat lamang na malaman ng sambayanang Pilipino ang kahihinatnan ng usaping ito.