^

PSN Opinyon

Editoryal - Mag-ingat sa 'mad cow disease'

-
Paboritong tambakan ang Pilipinas ng mga nakamamatay na bagay. Itinambak na rito ang basurang galing sa Japan noong 1999. Itinambak din dito ang mga insecticides at ibang mga ipinagbabawal na bagay sa ibang bansa. Ngayon nama’y mga karne ng baka na may bovine spongiform encephalopathy (BSE) mula sa Ireland ang itinambak dito. Kinumpirma na 25 tonelada ng karneng baka ang naipagbili na sa Cebu at karamihan umano sa mga karneng ito ay ginawa nang longganisa. Tatlong shipments umano ng karne ang nadala na rito sa Pilipinas. Ang unang shipment ayon sa report ang naikalat na sa pamilihan samantalang ang ikatlong shipment ay pinigil na ng Customs nang dumating sa Cebu noong January 11. Hindi nabanggit sa report kung nasaan ang ikalawang shipment. Ang mga shipments ay pag-aari umano ng Monterey Foods na subsidiary ng San Miguel Corporation.

Malaki ang hinala na nakalusot na nga ang mga karneng ito. Malaking katanungan na naman ito sa Bureau of Customs at sa mga port officials. Nalusutan na naman ba sila? Alam ba nila na noon pang Nov. 14, 2000 ipinagbabawal ang importasyon ng karneng baka mula sa Europe? Isa na naman ba itong pagkalimot o sadyang pinalusot kapalit ng salapi?

Kung naikalat na nga sa mga palengke sa Cebu ang unang shipment ng karne, nasa panganib ang taumbayan at dapat kumilos ang pamahalaan tungkol dito. Ang "mad cow disease" o BSE ay chronic disease na umaatake sa central nervous system ng mga baka at sinisira ang kanilang brain tissue na nagiging sanhi ng kanilang kamatayan. Ayon sa World Health Organization (WHO) kapag nakain na ng tao ang karne ng bakang may BSE, hihina ang kanilang memorya, nagiging malilimutin, mapipinsala ang utak, hanggang sa hindi na makakita, makapagsalita o kaya’y kumilos. Iniulat na 86 na tao sa Britain, dalawa sa France at isa sa Ireland ang naging biktima na ng BSE.

Pinaniniwalaan ng mga scientists na kaya mabilis ang pagkalat ng BSE sa mga baka ay dahil na rin sa ginagawang "animal recycling". Sa prosesong ito, ang mga buto at iba pang bahagi ng baka ay pinupulbos at ginagawang feeds para pagkain uli ng mga hayop.

Nararapat na imbestigahan ng gobyerno ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang mga taong responsable kung bakit nakalusot pa ang mga karneng ipinagbabawal. Dapat na ipatupad ang mahigpit na batas upang hindi na malusutan ng mga karneng nakamamatay. Sa pangyayaring ito, ang pinakamabuting magagawa ng taumbayan ngayon ay iwasan muna ang karneng baka.

vuukle comment

BAKA

BUREAU OF CUSTOMS

CEBU

ITINAMBAK

KARNENG

MONTEREY FOODS

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with