EDITORYAL - Dapat nang matuto at huwag magpaloko

Bukas ay ika-15 taong anibersaryo ng People Power revolution na nagpabagsak sa diktador na si Ferdinand Marcos noong 1986. Maraming leksiyon na itinuro ang 1986 revolution subalit hindi gaanong tumimo sa kaisipan ng taumbayan ang tunay na diwa nito. Kalabisang sabihin na bigo pa rin at nasayang ang pagpapakahirap ng marami. Sayang na sayang talaga. Hanggang sa kasalukuyan, ang mga nakaw na yaman at pagmamalabis ni Marcos at pamilya nito ay hindi pa nababawi at hindi pa nakakamit ang hustisya. Hindi natuto ang taumbayan at inihalal pa nga ang asawa at anak ni Marcos nang bumalik dito pagkaraang ma-exile. Si Mrs. Marcos ay nakapagmamalaki pa ngayon at tila hindi nababahala. Noong nakaraang linggo, tuwang-tuwa siyang nagpasinaya sa museum na kinaroroonan ng napakarami niyang sapatos na simbolo ng kaluhuan. Balak pa umanong kumandidato ni Mrs. Marcos bilang mayor ng Maynila. Hanep!

Ang kabiguang nangyari ay hindi na dapat pang maulit. Tama na ang mga pagkakamali at nararapat nang matuto sa nakaraang People Power 2 na nagpatalsik naman kay President Estrada. Kung nabigo sina dating President Cory Aquino at Fidel Ramos sa pagbawi sa kayamanan ng mga Marcos, hindi naman dapat mabigo si Gloria Macapagal-Arroyo para maparusahan si Estrada. Magkakaroon lamang ng katuparan ang ipinaglaban sa EDSA kung maikukulong si Estrada at mababawi ang mga nakaw na yaman nito.

Hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa ring inaangkin ni Estrada na siya ang Presidente at si GMA ay acting President lamang. Ayaw tumigil ni Estrada at ang hangad ay manggulo. Walang ipinagkaiba si Estrada sa mga Marcoses na naghahangad bumangon sa pamamagitan ng pagkandidato para patunayang hindi pa sila ibinabasura ng tao. Kandidato ngayon si dating First Lady Loi Ejercito bilang senador sa kabila na may mga kaso rin itong kinakaharap. Nabulgar noong Miyerkules na nakapag-withdraw umano si Loi ng P110 milyon sa Citibank. Bukod dito, maaari rin umanong kasuhan si Loi ng maling paggamit ng charity fund na nailipat sa foundation na kanyang pinamumunuan.

Nabigo ang taumbayan at hindi nagkaroon ng leksiyon sa unang rebolusyon, ngayo’y hindi na tayo dapat mabigo. Nararapat lamang na huwag tigilan ni GMA ang paghabol sa kaso ni Estrada upang maparusahan na ito. Ngayong malapit na ang election, isang leksiyon din ang dapat isipin ng taumbayan, huwag nang magpapaloko sa mga kandidatong walang alam kundi ang magnakaw sa bayan. Maging matalino na sa pagkakataong ito.

Show comments