Ang aksiyon ni President Gloria Macapagal-Arroyo ay patunay lamang na ang katungkulan sa gobyerno ay dapat na gamitin sa pagsisilbi sa mga mamamayan at hindi upang isulong ang pansariling interes. Ang muling pagbuhay sa PCAGC ay mabisang mekanismo upang maging transparent ang pamahalaan.
Ang PCAGC ay unang binuo sa administrasyon ni dating President Fidel Ramos dahil sa dumaraming mga reklamo at kaso na kinasasangkutan ng mga opisyal at kawani ng gobyerno. Ngayon ay napakalaking pagpapahalaga ang ibinibigay natin sa malinis at mapagkakatiwalaang pamahalaan. Ang ipinaglaban natin sa EDSA I at II ay para sa isang malinis at mapagkakatiwalaang pamahalaan, iyong nagsisilbi sa bayan at nangangalaga sa kapakanan ng mga maliliit.
Sa pagbabago ng administrasyon, malaki ang pag-asa ng taumbayan sa pagkakaroon ng malinis na pamahalaan kung saan ang corruption ay pinupuksa at ang mga kasangkot ay pinarurusahan at tinatanggal sa serbisyo.
Ito ang dapat itanim ng bawat empleyado at opisyal ng gobyerno sa kanilang isipan: Ang katungkulan ninyo sa pamahalaan ay kumakatawan ng pagtitiwala sa inyo ng taumbayan at ang tanging maisusukli ninyo ay ang pagsisilbi na buong katapatan at kahusayan ng walang bahid ng kasakiman at katiwalian.