Umalis si Laarni noong January 11 sa kabila na may subpoena nang ipinadala sa kanya. Pinadalhan ng subpoena si Laarni upang humarap sa impeachment court na naglilitis sa mga kasong isinampa kay Estrada. Sari-saring balita ang lumabas kung bakit umalis si Laarni. Sinabi ni dating spokesman at Senador Ernesto Maceda na may breast cancer umano si Laarni at magpapagamot sa United States kaya ito umalis. Marami ang hindi naniniwala sa pahayag ni Maceda. Lalo pang lumalim ang pagdududa nang isang lalaking nagngangalang Juancho Mendiola ang nahulihan ng P6 milyon at sinasabing kay Laarni ang perang ito. Pasakay din si Mendiola sa eroplanong sasakyan ni Laarni. Natuklasan naman kamakailan na may itinatagong P650 milyon account sa Philippine Savings Bank si Laarni.
Paulit-ulit na mangyayari ang kabulukan sa NAIA. Naniniwala kaming hindi lamang si Laarni ang nag-aastang "reyna" sa paglabas at pagpasok sa bansa. Ang ginawa ni Laarni ay maaari ring gawin ng iba pang mga maimpluwensiya at may pera. Hanggat may mga "matatakaw" na opisyal ng Immigration o Customs sa NAIA hindi matitigil ang ganitong masamang gawain.
Masyadong marumi ang NAIA at panahon na para linisin ito ni Gen. Manager Edgar Manda. Lipulin niya ang mga masasama sa kanyang bakuran na natatapalan ng pera. Ganito rin ang dapat gawin ni Immigration Commissioner Andrea Domingo. Nagsasawa na ang taumbayan sa katiwalian at kasamaan na pinalubha ng nakaraang administrasyon. Anumang kapabayaan ng Cabinet members ay putik na kakapit kay GMA. Masisira ang kanyang pangako sa taumbayan kung patuloy na mamamayani ang katiwalian at kabulukan. Linisin ang NAIA ngayon!