Pero ngayo’y nanganganib mabasura ang accreditation ng NAMFREL sa Commission on Elections at maibigay ang papel nito sa National Press Club (NPC). Ang isang malaking katanungan dito’y may kakayahan ba ang NPC sa pagsabak sa ganitong malaking responsibilidad kumpara sa NAMFREL na malawak na ang makinarya at karanasan sa larangan ng operation quick count. Isang malaking katanungan kung ang ipinakitang kakayahan ng NAMFREL ay matatapatan ng NPC. Inamin naman ng NPC kahapon na bagamat hindi pa sila nakapapasa sa pagsasagawa ng operation quick count, marami na umano ang nagpahayag ng suporta sa kanila at katunayan anila, apat na malalaking radio stations at mga malalaking pahayagan ang nakahandang tumulong sa kanila. Pero sapat na ba ang mga ito upang magtagumpay sa quick count? Hindi kami naniniwala.
Sa aming paniniwala’y mas kailangan ng Commission on Elections ang NAMFREL kaysa sa NPC o sa iba pang grupo sa pagsasagawa ng quick count. Nararapat na pag-isipang mabuti ng Comelec ang magiging desisyon nila sa bibigyan ng accreditation. Hindi dapat mangibabaw ang pulitika sa isyung ito lalo pa’t lumutang ang ilang Oposisyunista at binabato ng putik ang NAMFREL na umano’y sangkot sa dagdag-bawas. Isa sa mga bumabatikos ay si Sen. Juan Ponce Enrile.
Malaking hamon kay Comelec Chairman Alfredo Benipayo ang isyung ito lalo pa’t ilang buwan na lamang ay election na. Makabubuting timbangin ang mga malalaking bagay na nagawa ng NAMFREL sa pamumuno ni Chairman Jose Concepcion. Hindi naman dapat sumuko si Concepcion na ipaglaban ang NAMFREL na mabigyang muli ng accreditation. Hindi siya dapat tumigil.