Ang Arroyo administration ay handa na sa pakikipagsalpukan sa Mayo. Matapos ikasa ang ‘‘magic 13’’ noong Lunes, nagsimula nang mangampanya si President Gloria Macapagal- Arroyo. Kampante siya at positibo na ‘‘13-0’’ laban sa Oposisyon. Kalabisang sabihin na ‘‘pupulutin sa kangkungan’’ ang Oposisyon na karamihan ay mga dating alagad ng napatalsik na si President Estrada. Maaaring may katotohanan ang prediksiyon ni GMA sapagkat lumabas din ito sa mga surveys. Subalit pinagtawanan lamang ito ng kalaban, hindi raw totoo na masi-zero sila. Masyado umanong malawak ang imahinasyon ng administrasyon. Isa sa mga kumukontra ay si Sen. Juan Ponce Enrile na kaalyado ni Estrada at tumutol sa pagbubukas ng second envelope na nagpasiklab sa People Power 2 sa EDSA.
Bawat kampo ay nagpapahayag ng pagkapanalo. Umaangking magaling at dapat maluklok sa puwesto. Ang nagdaang People Power 2 ay mabisang batayan kung paanong ang taumbayan ay nagsama-sama sa pagpapaalis kay Estrada. Hindi maitatanggi na may mga dumagsa sa EDSA na bumoto rin kay Estrada noong 1998. At isang pagkakamali ang kanilang nagawa na kanilang itinuwid sa pamamagitan ng pagpapaalis kay Estrada.
Isang leksiyon ang nangyari – isang hindi malilimutang pagkakamali na nagluklok sa lider na nasangkot sa kung anu-anong anomalya. Ngayong darating na eleksiyon, makabubuting suriing mabuti ang mga kandidatong iboboto. Kailanga’y isang pinunong mapagkakatiwalaan, may direksiyon sa pamumuno at may kakayahang gampanan ang tungkuling sinumpaan. Pinunong kalilimutan ang sarili at hindi magpapayaman. Hindi na rin dapat mangyari na sapagkat ‘‘sikat’’ ang pangalan ng kandidato ay iboboto ito. Hindi popularity ang pinag-uusapan dito. Nararapat nang maging matalino ang lahat upang hindi na magsisi sa dakong huli. Kawawa ang bansa kapag ang mga iniluklok ay makikipagkutsaba para takpan ang katotohanan.