May mga walang pusong magulang na sila pa ang nagpapasok sa anak na maging katulong at ang ibay para maging child prostitutes. Maraming bata ang inabandona ng kanilang mga magulang ang naging palaboy at pulubi na binibiktima ng mga sindikato. Silay ninakawan din ng karapatan para mabuhay ng maayos at malinis gaya ng mga batang namumulot ng basura sa mga dumpsites gaya ng Patayas. Masamang pangitain din ang mga batang nagra-rugby at sugapa sa droga. Kalunos-lunos din ang karanasan ng mga batang biktima ng toxic waste na iniwan ng mga Amerikano sa Clark at Subic.
Mga anghel na binusabos. Mga anghel na pinagkaitan ng pagmamahal at pagpapahalaga. Sila ang nagbigay ng inspirasyon sa awit na Ikaw Lamang nina Imelda Papin, Vice-Governor ng Camarines Sur, at Jamby Madrigal. Pareho silang malalapit sa mga bata at pinatunayan nila ito sa mga programang magkatulong nilang inilunsad. Katunayan ay matagumpay ang Kids for Peace na proyekto na inilunsad sa ibat ibang lugar sa bansa.
Naging epektibo rin ang proyektong ito noong kasalukuyang krisis sa Mindanao. Sina Imelda at Jamby ay nagsagawa ng radio station tours para impromote ang plakang Ikaw Lamang na ang hangarin ay pasiglahin ang programa para sa mga kabataan na pag-asa ng kinabukasan.