Dahil sa dami ng mga tatakbong kandidato, marami sa ating mga kababayan ang nagugulo ang pag-iisip sapagkat hindi nila malaman kung sinu-sino ang kanilang mga pipiliin. Sa pagka-senador na 13 lamang ang pipiliin ay 67 ang nag-file ng kanilang kandidatura.
Nakapili na si President Gloria Macapagal-Arroyo na 13 senador para sa May election. Marami ang mahusay sa kanila na maaaring pakinabangan ng bayan. Subalit mayroon din sa kanila na hindi pa hinog na maging senador. Mga bata pa at hindi sapat ang karanasan.
Si Kiko Pangilinan at Ralph Recto ay may mga pinag-aralan, mahusay ang pagkatao at pinanggalingan ngunit manibalang kung ihahambing sa karanasan nina Yasay, Apostol, Morato at Rasul. Wala akong masamang hangarin sa dalawang batang kandidato sapagkat kaibigan ko nang matagal ang mga magulang ni Kiko at kababayan ko naman si Ralph. Marahil ay puwede na ang dalawa sa susunod na pagkakataon.
Isa pa, sana naman ay nagsama rin ng isang kandidato ang administrasyon ng isang Muslim man lamang. Sa mahigit na 10 milyong botanteng Muslim, siguro ay hindi kalabisan na magkaroon sila ng representasyon sa Senado. Kung hindi man si Santanina Rasul, isang mataas na opisyal ng partido ng administrasyon at dati na ring naging senador, marami naman silang mapagpipilian sa hanay ng mga magagaling na Muslim.
Ang inihaing kandidatura ni dating First Lady Dra. Loi Ejercito ay hindi maganda sa aking panlasa. Isa siya sa mga ipinatalsik sa Malacañang sa hindi kanais-nais na kadahilanan. Hindi rin siya naging magandang halimbawa ng isang asawang may moralidad na dapat ipaglaban ang kanyang karapatan sa batas ng tao at sa utos ng Diyos. Kung hindi niya ito kinaya, papaano niya makakayanang ipaglaban ang karapatan ng kanyang mga kababayang Pilipino. Hindi siya dapat payagang gamiting muli ni Erap.