Solusyon para mapunan ang budget deficit

Malaki ang kakulangan ng pondo ng gobyerno at patuloy ang paglaki ng budget deficit. Dahil dito, kailangang makakalap ng pandagdag na salapi upang matustusan ang gastusin ng pamahalaan. Kung may budget deficit, ibig sabihin nito ay mas malaki ang gastos kaysa sa pondo ng gobyerno. Ang karaniwang solusyon dito ay ang pag-utang ng gobyerno upang mapunuan ang kakulangan.

Upang mapaliit ang deficit, dalawang paraan ang dapat gawin. Una, maging epektibo ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Customs upang makakolekta ng sapat na buwis. Ikalawa, ang pagbebenta ng mga ari-arian ng gobyerno upang makalikom ng karagdagang pondo.

Ayon sa Investments Coordinating Council, P10 bilyon ang target upang mabawasan ang P145 bilyon na deficit. Kabilang sa mga ipagbibili ay ang 10 porsiyento ng pag-aari ng gobyerno sa Meralco; ang IBC Channel 13 at ang pag-aari sa International School sa Makati. Inaasahan na P5 bilyon ang makakalap mula sa Meralco; P3 bilyon sa IBC Channel 13 at P3 bilyon sa International School sa Makati.

Ang hakbang na ito ay isang solusyon sa problema ng bansa. Kritikal ito dahil sa kasalukuyan, ang ating budget na pinagbabasehan ay ang aprubadong budget ng 2000 na ang kabuuang halaga ay P629 bilyon. Ito ay kulang na kulang kung ikukumpara sa P715 bilyon na sana’y budget para sa 2001.

Ang pagsasa-pribado ng mga ari-arian ng gobyerno ay kalutasan upang mabawasan din ang gastos ng pamahalaan sa pagmentena ng mga GOCCs na palaging nalulugi. Sa pribatisasyon, kumikita ang gobyerno sa pagbebenta at nababawasan ang pagkakagastahan sa patuloy na operasyon ng mga ito. Subalit, kailangang maging maingat ang pagpili sa mga isasailalim sa pribatisasyon upang maging epektibo itong kalutasan. Sa inaasahang P10 bilyon na makakalap, malaking kabawasan ito upang hindi na tayo muling mangutang.

Show comments